KINABUKASAN sa kusina, agad napansin ni Ruth ang bagong mamahalin na smartphone ni Lydia dahil selfie nang selfie ito habang nagluluto sa kusina. Siguradong-sigurado si Ruth na galing iyon sa paper bag na iniabot ni Sir Rafael kagabi.
Lumapit si Ruth, nakangiti ngunit may lason ang mga tingin. “Wow, ang ganda naman ng cell phone niya. Kaya na pala ng sahod natin ‘yan, o may galanteng sponsor na nagbigay niyan?” nakangising tanong ni Ruth umaasang matataranta ito sa pang-iintriga niya.
Hindi natinag si Lydia. Tinapunan siya nito nang matalim na tingin.
“Grabe siya, sponsor agad? Hindi ba puwedeng pinag-ipunan ko ito?” nakangiting sagot nito.
“Ito naman, nagbibiro lang. Ang bilis mo naman ma-offend. Tara, selfie tayo sa bago mong phone. Sobrang ganda raw ng camera nito.”
Kinuha ni Ruth ang cell phone ni Lydia para mag-selfie sila nang saktong may text si Sir Rafael at nag-notification ito sa screen: Lydia, wala na si Ma’am mo, akyat ka muna rito.
Mabilis na inagaw ni Lydia ang cell phone sa kamay ni Ruth. “Huwag ka ngang pakialamera, Ruth. Kung ako sa’yo asikasuhin mo na lang si Parker bago ka pa mawala na parang bula gaya ng mga nauna sa’yo.”
Napakuyom ang kamao si Ruth sa inis. Matapang.
Pagkalipas ng isang oras, inihatid ni Ruth si Parker sa ekslusibong preschool nito. Sa liwanag ng araw, mukhang anghel ang paslit, maamo, magalang at tahimik, malayung-malayo sa batang nakikinig sa pakikipag-usap niya kay Greg. Pero ang nakapagtataka, walang pinagkukuwentuhan ang bata tungkol dito.
Habang naghihintay sa labas ng gate, napansin ni Ruth ang bulungan at sulyap ng iba pang yaya sa kanya. Lumapit siya upang makinig.
“Bago na naman ang yaya ni Parker?” bulong ng isang yaya sa katabi nito. “Pang-ilan na ba ‘yan ngayong taon? Pangpito?”
“Oo,” sagot ng kausap, sabay tingin nang may halong awa kay Ruth. “Ewan ko ba sa pamilyang Marianza. Ang bilis magpalit ng yaya.”
Medyo kinabahan si Ruth. Napatingin siya kay Parker na nakasilip sa kanya mula sa bintana ng silid-aralan, nakangiti nang matamis, habang unti-unting nagdidilim ang mga mata nito.
(Itutuloy)