Yaya Ruth (4)
NAGULAT si Ruth nang lumitaw sa kanyang likuran ang kanyang amo na si Sir Rafael. Akmang tatakas sana siya ngunit nahawakan siya nito sa braso. Ang ayaw na ayaw ni Ruth ay pinupuwersa siya kaya akmang lalaban sana siya ngunit isinalya siya nito sa malamig na pader ng pasilyo. Halos magkadikit na ang kanilang mga katawan. Ramdam ni Ruth ang init at pawis ng hubad na dibdib nito sa kanyang manipis na nightgown, pati ang mabilis at mabigat nitong paghinga.
“S-Sir, natatakot po ako...” bulong ni Ruth, pinalambot ang boses habang marahang idinampi ang palad sa matigas na braso ng amo. Kunwari ay nanginginig siya, ngunit sinadya niyang bahagyang itingala ang mukha upang magkalapit ang kanilang mga labi.
Bumaba ang mga mata ni Rafael sa labi ni Ruth, saka dahan-dahang humagod sa hubog ng kanyang baywang.
“Huwag mo akong subukan, Ruth. Kapag sinabi kong bawal kang lumabas sa kuwarto mo, kailangan mong sundin ‘yun.”
“Nauuhaw kasi ako, sir.” Malambing na paliwanag ni Ruth.
Marahang hinaplos ni Rafael ang kanyang pisngi, isang haplos na may halong babala at pagnanasa, bago ito biglang tumalikod at naglakad palayo sa dilim. Napangiti si Ruth. Nasa palad ko na siya.
KINABUKASAN ng umaga, bumaba si Ruth para pumunta sa dining room ngunit napako siya sa kinatatayuan niya. Nakaupo sa kabisera ang misis ni Rafael, si Senyora Clara. Posturang-postura ito. Malayo sa baliw at gusgusing babae kagabi. Nakapusod nang maayos ang makintab na buhok, suot ang mamahaling bestida, at kalmadong humihigop ng kape. Walang bakas ng takot o panginginig sa mga kamay nito.
“Good morning Ruth,” malamig ngunit eleganteng bati ni Clara, sabay taas ng kilay habang sinusuri ang dalaga.
“Good morning po, Ma’am Clara.”
“Simula ngayon, ako na ang magbibigay ng lahat ng utos sa bahay na ito, hindi si Rafael.”
Nagtatakang tumango si Ruth. “Opo, Ma’am.”
Ngumiti ang Senyora. Isang ngiting hindi umabot sa mga mata. “At papaalalahanan kita, si Parker ang aalagaan mo rito, hindi ang mister ko.”
Itutuloy
- Latest
















