^

True Confessions

La Viuda (28)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SA sumunod na tatlong gabi, pilit na sumama si Natasha kay Kristina sa pagbaba sa ilalim ng bodega. Hindi man ito gusto ni Kristina, naisip niya na kahit papaano ay nakatutulong din ito dahil sagot ni Natasha ang mga masusustansiyang pagkain at gamot na binibigay nila kay Andres.

“Kapag naitakas ka na namin dito, bibihisan kita ng mga mamahaling damit. Isang ligo mo lang ay sigurado akong kamukhang-kamukha mo na si Emilio.” Kinikilig na bulalas ni Natasha habang hinahaplos ang pisngi ni Andres.

“Ilang beses ko ba na kailangang sabihin sa’yo na hindi ako puwedeng tumakas dito?” inis na sagot ni Andres.

Ngumiti lang si Natasha na tila hindi naririnig ang sinabi ni Andres.

Isang umaga, bago maghapunan, hinarang ni Natasha si Kristina. “Ibigay mo sa akin ang mga susi, Kristina,” utos ni Natasha habang nakabukas ang palad. “Ako na ang bahala sa lalaking kamukha ni Emilio. Sa makalawa ay kukunin na siya ng mga tauhan ng aking Papa para dalhin sa amin.”

“Hindi maaari!” matapang na sagot ni Kristina habang umaatras at isiniksik ang mga kamay sa bulsa.

Naningkit ang mga mata ni Natasha at bumakas ang galit sa kanyang mukha. “Huwag mo akong sinusubukan, Kristina. Binibigyan kita ng palugit... Ngayong gabi, ibibigay mo sa akin ang mga susi. At kapag wala pa sa kamay ko ang mga susi mamayang gabi, ako mismo ang lalapit kay Doña Presen­tacion para sabihin ang lahat ng ginagawa mo!”

Buong araw na kinain ng matinding kaba at panggigipit ang dibdib ni Kristina. Habang papalubog ang araw, naghahanda na siya sa pinakamalalang mangyayari, pinag-iisipan kung kailangan na ba nilang subukang lagariin nang tuluyan ang kadena ni Andres at itakas ito ngayong gabi bago pa man magsumbong si Natasha.

Ngunit bago pa man sumapit ang gabi, biglang umali­ngaw­ngaw ang mabilis at malakas na kalampag sa pangunahing pintuan ng mansiyon. Nagbabaan ang mga utusan sa takot. Maging si Doña Presentacion ay lumabas sa kanyang silid. Bumukas ang malaking pinto at lumitaw ang isang matangkad at galit na galit na lalaki na may dalang tungkod, palibot ng kanyang sariling mga armadong tauhan, ang ama ni Natasha na si Don Geronimo.

“Natasha!” umalingaw­ngaw ang maawtoridad na boses ni Don Geronimo sa buong mansiyon. “Mag-empake ka na ng mga gamit mo. Iuuwi na kita sa atin!” galit na utos nito habang may tila may pandidiri at pagkasuklam sa kanyang mukha. (Itutuloy)

NATASHA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with