La Viuda (21)

SABAY na umalis ng bodega sina Donya Presentacion at Mang Teban. Naiwan na nagtatago sa dilim si Kristina at Ernesto na tila natulala sa mga nasaksihan.

“Ernesto?” tanong ni Kristina habang tinatapik-tapik ang pisngi nito.

Hindi tumugon ang binata. May gusto itong sabihin pero walang lumabas na salita sa bibig. Yumupyop na lang ito habang nakasandal sa patung-patong na sako ng bigas.

“Hindi tayo puwedeng magtagal dito. Baka maabutan tayo ng mga tauhan ng hacienda,” sabi ni Kristina. Kinuha niya ang mga susi sa bulsa ni Ernesto. Inilalayan niyang tumayo ang binata at ipinatong ang mabigat na braso nito sa kanyang balikat.

“Ang laki mong tao pero nakakita ka lang ng espiritistang nagriritwal, natakot at natulala ka na?” Napapailing na bulong ni Kristina.

Kahit may kabagalan ang kanilang paglalakad, tahimik nilang binagtas ang madilim na bakuran pabalik sa mausuleo. Nang mahanginan sa labas at makalanghap ng sariwang hangin, unti-unting bumalik sa wisyo ang binata.

Pagkaakyat nila sa ikalawang palapag, napaupo si Ernesto sa gilid ng kama ni Kristina. Nakatitig ang binata sa sahig, balisang-balisa habang nakasapo sa kanyang ulo.

“Bakit ba ako napunta sa pamilyang ito?” nanginginig na tanong ni Ernesto. “Lahat nang ginawa ko sa pamilyang ‘to, kulang pa rin. Ako ang buhay na anak, Kristina... ako ang narito! Pero handa si Mama na gumamit ng kulam, pumatay ng ibang tao, para buhayin ang bangkay ng paborito niyang anak!”

Lumapit si Kristina at da­han-dahang umupo sa tabi ng binata. Hinawakan niya ang balikat nito upang bigyan ng pakikiramay. “Hindi mo kasalanan ang kabaliwan ng ina mo, Ernesto...”

Humarap si Ernesto sa kanya. Bakas sa mga mata ng binata ang matinding pait, takot, at pananabik sa isang taong makakaintindi sa kanya. Sa gitna nang malamig na gabi, ang init ng palad ni Kristina ang tanging nagbibigay sa kanya ng pakiramdam. Bago pa man makaiwas si Kristina, dahan-dahang inilapit ni Ernesto ang kanyang mukha at hinalikan ang mga labi ng dalaga.

Sa unang pagkakataon, hindi lumayo si Kristina. Ang matinding takot sa kanilang paligid at ang pareho nilang pagkawasak ay nagtulak sa kanila sa isa’t isa. Sa gitna ng nananahimik na gabi, ibinigay nila ang sarili sa isang marubdob at maalab na pagsasama sa ibabaw ng kama.

Bago pa man sumikat ang araw at magsimulang magronda ang mga tauhan, mabilis na tumayo si Ernesto at mabilis na isinuot ang kanyang damit na nasa sahig. Nakatitig lang si Kristina sa kanya habang nakabalot sa kumot. Walang nakapagsalita sa kanila. Sa bawat tinginan ay naroroon ang matinding pagkalito at gulo ng isip.

(Itutuloy)

Show comments