Apoy sa Balsa (26)

BAGO pa man makalingon si Amanda sa kanilang direksyon, mabilis pa sa kidlat na bumitaw si Kael. Humakbang siya pabalik nang may ilang metro, agad na ibinaba ang kaniyang tingin. Ang kaniyang mukha ay muling naging blanko, dala nang matinding takot na baka may makakita sa kanila at mantsahan ang reputasyon ni Rhea sa opisina.

“A-Ah, sige, Amanda. Pababa na ako,” pilit na pinakalma ni Rhea ang kanyang boses, bagaman nanginginig pa rin ang kaniyang mga kalamnan sa biglaang pagkaantala.

“Sige po, Miss Rhea. Una na po ako sa exe­cutive lounge,” sagot ni Amanda, bago nagta­takang binalingan si Kael. “Kael, pinapababa na rin kayo sa motorpool, may mga documents na kailangan daw ihatid.”

“Opo, Mam. Susunod na po,” sagot ni Kael, pormal at walang bahid ng emosyon.

Nang sumara ang pinto at muli silang maiwang dalawa, lumingon si Rhea kay Kael, nagmamakaawa ang mga mata na huwag muling ibalik ang pader. Ngunit hindi na siya tiningnan ng binata. Yumuko ito, isinuot ang kaniyang helmet, at tipid na tumango.

“Mag-ingat kayo sa baba, Mam,” bulong ni Kael bago mabilis na naglakad patungo sa pinto.

Naiwan si Rhea sa ilalim ng madilim na langit, bitbit ang tamis ng kanilang pag-amin at ang pait ng katotohanang naka­selyo pa rin sila sa magkaibang palapag ng iisang gusali.

Itutuloy

Show comments