Hiyasmin (130)

 “Talaga ba, Hiyasmin? Hindi ka na aalis dito kahit graduate ka na?’’ hindi makapaniwalang tanong ng nanay ni Dax.

“Opo Nanay. Sinabi ko na rin po yan kay Sir Dax.”

“Pinasaya mo naman ako, Hiyasmin.’’

“Gusto mo rin po ba na huwag akong umalis dito, Nanay?’’

“Oo naman!’’

“Bakit po?’’

“E kasi napakabait mo. Hindi na makakakita ng boarder na kasingbait, ­kasingtalino at kasingganda mo!’’

“Ay ang sarap namang pakinggan Nanay.’’

“Totoo ang aking sinasabi, Hiyasmin. Kung aalis ka na rito ay baka hindi na katulad mo ang makuhang boarder nitong si Dax. Baka boarder na hindi marunong makipagkapwa tao—hindi katulad mo na tala­gang subok na ang ugali.’’

“Nagpapasalamat nga po ako kay Sir Dax at payag siyang dito pa rin ako tumira kahit na graduate na ako.’’

“Aba e bakit naman hindi papayag ‘yang si Dax e talaga namang totoo ang sinasabi ko na mahirap nang makakita ng boarder na katulad mo. Kung hindi ka pinayagan ni Dax e aawayin ko ‘yan!” sabi at tiningnan si Dax na noon ay kumakain ng pagkaing dala ng magulang. Napangiti lang si Dax.

“Mabait po si Sir Dax, Nanay. Huwag mo po siyang aawayin.’’

“Joke lang yun, he-he-he!’’ sabi ni Nanay. “Mabait ang anak kong ‘yan.”

“Sobra pong bait, Nanay! Sana po lahat nang lalaki, katulad niya.’’

Napangiti si Nanay at saka tiningnan nang makahulugan si Hiyasmin. Pagkatapos ay tiningnan si Dax. Nag-thumbs up si Dax sa nanay niya.

ISANG gabi, kumatok si Nanay sa bedroom ni Hiyasmin. Binuksan ni Hiyasmin.

“Puwede ba kitang makausap?’’ sabi ni Nanay.

“Opo. Maupo ka Nanay.’’

“Hiyasmin, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, gusto kitang maging manugang.’’

Natigilan si Hiyasmin.

(Itutuloy)

Show comments