Hiyasmin (111)

CLASSMATE ni Hiyasmin si Rez. Noon pa ay madalas niyang nahuhuli na nakatingin ito sa kanya kapag nasa loob sila ng classroom. Hindi naman niya pinapansin. May crush siguro sa kanya kaya tingin nang tingin.

Pero hindi niya type si Rez. Kahit guwapo ito, hindi niya gusto ang ugali na parang siya lamang ang magaling. Kapag nakikipagkuwentuhan sa mga classmate nilang lalaki ay ito lagi ang bangka. Laging maraming kuwento at hindi nauubusan ng sasabihin. Ayaw niya sa ganitong klase ng lalaki na para bang siya lagi ang bida.

“Ba’t ang aga mo yata, Hiyasmin?’’ tanong ni Rez.

“Maaga pa ba? Di ba alas otso ang meeting natin para sa praktis?”

“Oo nga. Pero nga­yon lang kita nakita na maaga?’’

“Lagi akong maagang pumasok. Hindi mo lang ako nakikita.”

“Siyanga pala, congrats ha? Magna ka pala!’’

“Thanks.’’

“Saan ka magwo-work pag-graduate natin?’’

“Wala pa akong alam—hindi pa ako nag-iisip tungkol diyan.’’

“Sana sa isang ad company tayo magkasama.”

“Bakit naman?”

“Wala lang—naisip ko lang.’’

Napatango lang si Hiyasmin.

“May uncle kasi ako sa isang malaking ad company—baka dun ako.’’

“Congrats!”

“Gusto mo irekomenda kita?”

“Thanks pero wala pa akong balak mag-work after graduation.’’

“Bakit naman.”

“Wala lang.’’

Napangiti si Rez.

Ang sunod na tanong ni Rez ang hindi inaa­sahan ni Hiyasmin.

“Sino yung kasama mo nung isang gabi sa restawran.’’

Saglit na nag-isip si Hiyasmin.

“Boyfriend ko!’’ sagot niya.

Itutuloy

Show comments