KINABUKASAN, habang nag-aalmusal, tinanong ni Dax si Hiyasmin.
“Kapag nakatapos ka na ng course mo o pag-aaral, aalis ka na rito, Hiyasmin?’’
Hindi inaasahan ni Hiyasmin ang tanong kaya hindi agad nakasagot.
“A e… hindi po Sir Dax. Siyempre maghahanap muna ako ng trabaho. Kapag nakakita na ako ng trabaho saka lang ako aalis.’’
“E kung dito ka na lang tumira kahit may trabaho ka na?’’
“Sobra nang pang-aabuso ko yan, Sir Dax.’’
“Sisingilin naman kita sa renta—pero maliit lang. Di ba sabi ng nanay ko, huwag daw kitang tataasan at sesermunan ako.’’
Napangiti si Hiyasmin.
“Sabi nga po ni Nanay, kagagalitan ka. Kailan uli pupunta rito sina Nanay, Sir Dax?’’
“Hindi ko alam—nagti-text yun kapag darating.’’
“Nasisiyahan akong kausap si Nanay—palagay ang loob ko.’’
“Madali kang nakasundo ni Nanay kahit may pagkaistrikta.’’
“Wala naman akong napansin na istrikta siya Sir Dax.”
“Istrikta yun—gusto laging perpekto ang ginagawa.’’
“Parang hindi po.’’
“Ah basta may pagkaistrikta yun.’’
“Sana pumunta uli sila rito.’’
“Teka, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko—dito ka pa ba titira kahit maka-graduate ka na?’’
“Sige po Sir Dax—kung yan ang gusto mo.’’
Napangiti si Dax.
Nasisiyahan siya sa sinabi ni Hiyasmin.
Itutuloy