Nagbabala si Science Secretary Renato Solidum noong Huwebes na kapag tumama ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila, 10 hanggang 13 percent ng mga istruktura ay mawawasak. Hindi umano kasama rito ang mga high-rise buildings dahil mga bago ang mga ito.
Sinabi rin ni Solidum na 46,000 ang mamamatay at 156,000 ang masusugatan kapag tumama ang “The Big One”. Ganito rin ang sinabing casualties ni Civil Defense administrator Alexander Pama. Sinabi ni Solidum ang babala nang magsalita sa Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Payo ni Solidum, palawakin ang paghahanda hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsiya kasama ang Region 3 at 4. Ang lagi umano nilang mino-monitor ay ang West Valley fault na ang huling paggalaw ay noon pang 400 taon ang nakararaan.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol na kapag tumama ang “The Big One” sa Metro Manila, posibleng mamatay ang 34,000 katao at 114,000 ang malubhang masusugatan. Ayon kay Bacolcol, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude. Pinag-aralan na umano ito noon pang 2004 at ang pag-aaral ay nakasaad sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Paghahanda ang kailangan. Ang malaking katanungan ay handa ba ang mamamayan lalo na ang mga nasa Metro Manila? May nakahanda na rin bang plano ang pamahalaan kung tumama ang “The Big One”? Saan mag-e-evacuate ang mga tao kapag yumanig? Mayroon bang magga-guide o gagabay sa mga tao kung saan pupunta o magdaraan sakali at tumama ang lindol?
Noong Pebrero 2023, makaraan ang mapaminsalang lindol sa Turkey at Syria na pumatay sa 35,000 katao, iminungkahi ng Senado na magkaroon ng contingency plan sa Metro Manila at buong bansa. Pero nang humupa ang balita ukol sa lindol, wala nang narinig sa Senado ukol sa contingency plan. Anong nangyari sa Senado?
Marami nang mapaminsalang lindol ang tumama sa bansa at nakita ang pagkakagulo ng mga tao. Daming nagpa-panic sa halip na kumalma. May mga nagtutulakan sa hagdan para makababa.
Sa nangyayaring ito na nagpa-panic ang marami, kailangan ang pagdaraos ng regular earthquake drill upang maihanda ang mga empleyado at estudyante sa pagtama ng lindol. Gawin ang duct, cover and hold. Maging alisto, handa at maging kalmado.