DUMATING sa bahay si Dax galing opisina na wala pa si Hiyasmin. Nagtaka siya sapagkat mula nang tumira rito si Hiyasmin ay ito ang laging nauuna sa pag-uwi. Unang pagkakataon na nangyari.
Binuksan niya ang main door na nag-iisip. Bakit kaya naatrasado sa pag-uwi si Hiyasmin?
Naupo muna siya sa sopa at nag-alis ng sapatos. Baka nag-research sa library? Baka may kaugnayan sa thesis na ginagawa?
Pero nagti-text sa kanya si Hiyasmin kapag may gagawin sa library. At kahit nagre-research sa library, maaga pa ring umuuwi.
Nagtungo siya sa kuwarto at nagpalit ng damit.
Pagkatapos ay nagbalik sa salas at naupo uli sa sopa.
Ang pagre-research sa library ang hinihinala ni Dax na dahilan kaya wala pa si Hiyasmin. Pero sana ay nag-text sa kanya si Hiyasmin para hindi siya nag-aalala o naghihintay.
Makalipas ang isang oras ay wala pa rin si Hiyasmin.
Ipinasya na ni Dax na magluto ng hapunan. Hindi niya dapat hintayin si Hiyasmin sapagkat baka mamaya pa ito dumating.
Nagsaing siya at naggisa ng sardinas.
Pagkatapos magluto ay nagbalik sa sopa at nanood ng balita sa TV.
Pero wala sa pinapanood ang atensiyon niya kundi kay Hiyasmin.
Nang mag-alas siyete ay wala pa rin.
Ipinasya na niyang kumain.
Pagkatapos kumain, nagbalik sa salas at nahiga sa sopa.
Nang mag-alas otso, dumating si Hiyasmin.
Binuksan niya ang pinto.
“Pinuntahan ko si Mama Sir Dax. Nasasabik na raw sa akin,’’ paliwanag ni Hiyasmin makaraang makapasok.
Itutuloy