“SOBRA nang nakakahiya Sir Dax. Pati birthday ko, ipaghahanda mo. Kahit hindi na po. Etong pagpapaaral mo sa akin at pagtira rito e sapat-sapat at sobra-sobra pa!’’ sabi ni Hiyasmin.
“Hindi naman bonggang selebrasyon—bibili tayo ng cake o ice cream kaya at pansit—yun lang. Magbo-blow ka ng candle. Ako ganun kapag birthday.’’
“Ako po kasi, mula nang mamatay sina Lolo at Lola, hindi na naipagdiwang ang kaarawan kaya hindi ko na rin hinahanap—sanayan din lang pala.’’
“Kaya nga itutuloy natin ang pagselebreyt. Basta sabihin mo sa akin ang iyong birthday at maghahanda tayo, okey?’’
Tumango si Hiyasmin.
“Siyanga pala, sabihin mo sa akin kung mayroon ka pang pagbabayaran sa school. Ang alam ko maraming babayaran kapag ga-graduate na. Baka nahihiya ka lang. Huwag mong sasarilinin ang problema. Sabihin mo at huwag nang patumpik-tumpik.’’
“Opo Sir Dax.”
ISANG umagang papasok sa unibersidad si Hiyasmin, magpapaalam na sana siya kay Dax pero nakita niya itong nakahiga sa sopa. Parang matamlay at may sakit.
“May sakit ka Sir Dax?’’ nag-aalalang tanong ni Hiyasmin.
“”Parang masama ang pakiramdam ko—lalagnatin yata ako!’’
“Hindi po muna ako papasok!’’
“Aba huwag! Pumasok ka!’’
“Hindi kita maiiwan na ganyan ang kalagayan, Sir Dax.’’
“Kaya ko naman. Sige na, pumasok ka na. Hindi ka dapat mag-absent lalo’t malapit ka nang magtapos.’’
Pero hindi nakinig si Hiyasmin. Nagtungo sa room nito. Paglabas ay nakasuot pambahay na ito.
“May gamot ka po sa lagnat? Kung wala e bibili ako.’’
“Meron. Kunin mo sa kuwarto ko.’’
Tinungo ni Hiyasmin ang room ni Dax.
(Itutuloy)