Suklam (77)
“Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, Brent. Sa kabila na nagkasala si Vivian, pinatawad ko,’’ sabi ni Julio.
“Pinatawad mo?’’
Tumango si Julio.
Napabuntunghininga si Brent.
“Akala ko sabi mo e wala nang pata-patawad pa.’’
“Nagmakaawa sa akin, Brent. Hindi na raw siya uulit. Kasi pinilit lang daw siya ng lalaki.’’
Napamulagat si Brent. Ilang saglit siyang hindi nakapagsalita.
Nagpatuloy si Julio.
“Hindi naman daw talaga siya ang may kasalanan. Sabi pa ni Vivian, pinuwersa siya ng lalaki. Tinakot. Nasa stockroom daw siya nang unang mangyari ang pagpuwersa sa kanya. Tinutukan siya ng baril ng lalaki. Wala na siyang nagawa. Sunod na nangyari ay dun din daw sa stockroom nangyari. Sabado raw iyon nang sundan siya ng lalaki. Niyaya raw siyang mag-sex. Tumanggi siya. Tinakot siya na ikakalat ang mga photo na kuha nito. Palihim daw nitong kinunan ang pagsi-sex nila.’’
Hindi pa rin makapagsalita si Brent. Shock na shock siya sa narinig kay Julio. Gusto na niyang sabihin dito na pawang kasinungalingan ang mga sinabi ni Vivian. Gusto na niyang sabihin kay Julio na walang puwersahang naganap sapagkat sa stockroom sila nagtatatalik. Pareho nila gusto ang ginagawa.
Pero nanahimik muna si Brent. Saka na lang niya ibubulgar ang mga nalalaman at pati na rin ang kinuha niyang photo habang nagtatalik ang mga ito sa stockroom.
Hinayaan niyang magkuwento si Julio.
“Lumuhod sa harapan ko si Vivian. Umiiyak. Patawarin ko na raw siya. Naawa ako. Bibigyan ko ng isa pang pagkakataon. Ano sa palagay mo, Brent.’’
“Huwag Julio. Baka ka masaktan muli.’’
(Itutuloy)
- Latest