GULAT na napalingon si Brent sa tawag ni Julio. Tumigil siya sa paglalakad.
“Bakit Julio?’’
Lumapit si Julio.
“Eto ang calling card ko. Baka mangailangan ka ng tulong e tawagan mo ako. Sa opisina ng isang mambabatas ako nagtatrabaho. Baka mayroon kang problema e matulungan kita. Nice meeting you, Brent,’’ sabi ni Julio sabay abot ng calling card.
“Salamat Sir Julio, este Julio pala.’’
“Walang anuman Brent.’’
Ipinagpatuloy ni Brent ang paglalakad hanggang makarating siya sa kanyang departamento.
Pag-upo niya sa kanyang mesa ay binasa ang calling card ni Julio. Staff pala ito ng isang congressman. Nakasaad doon ang phone number at address ni Julio. Inilagay ni Brent ang calling card sa pitaka niya.
Kanina lamang ay iniisip niya kung paano kakaibiganin si Julio at ngayon ay ito pa ang nagbigay ng calling card.
Mukhang gusto talaga siyang kaibiganin ni Julio. Dahil kaya may naaamoy na ito sa ginagawa ni Vivian? At kaya laging sumasama kay Vivian dito sa opis ay para magmatyag?
Napangiti si Brent dahil wala na siyang problema kung ibulgar man niya rito ang ginagawang “misteryo” ni Vivian at Oscar sa stockroom kapag Sabado. Mabilis na niyang maisusumbong si Vivian.
Sabi pa ni Julio, kung may problema raw si Brent ay huwag mag-atubiling tawagan siya.
Kung alam lamang ni Julio na siya ang may malaking problema dahil matagal na siyang “dinudumihan” sa ulo ni Vivian.
Ano kaya ang mangyayari kapag natuklasan na ni Julio ang ginagawa ni Vivian? Mayroong humahantong sa pagpatay kapag nahuli sa akto ang pangangaliwa ng asawang babae. Marami nang nangyari na nahuli ni mister na may nakapatong na iba kay misis. Ang ilan ay binaril at merong sinaksak hindi lamang ang lalaki kundi pati mismong asawa.
Nasa ganung pagmumuni-muni si Brent nang makita niyang patungo sa kanya si Vivian. Nagmamadali ito.
Dahil kaya sa calling card na binigay ni Julio?
Itutuloy