“MAYROONG hihilingin sa atin si Mam Dioscora,’’ sabi ni JC kay Maria. “At hindi tayo makakatanggi.’’
“Ano namang hihilingin niya?’’
“Basta ‘yan ang aking kutob.’’
“Ibig mong sabihin kaya niya tayo tinutulungan ay mayroon siyang ipagagawa sa atin?’’
“Parang ganun.’’
“Ako ang feel ko kaya niya tayo tinutulungan ay dahil nga tumatanaw siya ng utang na loob dahil sa ipinakita mong kabaitan nun. Ang pagtulong niya ay walang ibang kahulugan at hindi siya naghihintay ng kapalit. Basta tulong lang siya nang tulong.’’
“Sana nga ay mali ang kutob ko Maria.’’
“Hindi siya hihingi ng kapalit sa anumang binigay niya, Kuya, ‘yan ang nararamdaman ko kay Mam. Masaya siya kapag nakakatulong lalo na sa mga katulad nating ulila na sa mga magulang. At alam mo Kuya, palagay ko nga marami pang itutulong sa atin si Mam. Dama ko, napakarami pa niyang ipagkakaloob sa ating dalawa.’’
“Malulubog tayo sa kanya, Maria.’’
“Hayaan mo Kuya.’’
Hindi nagsalita si JC.
KINABUKASAN, maagang pumasok sa shop si JC. Wala si Kuya Dads kaya siya na naman ang acting boss. Mula nang maging eksperto siya sa pagkukumpuni ng car aircon at paglilinis nito, naging kampante si Kuya Dads at pinagkatiwalaan siya nang labis. Sabi nga sa kanya minsan ni Kuya Dads, magaling talaga kapag nag-aral ang isang tao. Inamin ni Kuya Dads na high school lang ang kanyang naabot at nagtrabaho na sa talyer. Madalas sabihin ni Kuya Dads kay JC na pagbutihin nito ang pag-aaral ng Mechanical Engineering. Dama ni JC na proud sa kanya si Kuya Dads dahil nag-aaral ito ng engineering.
Nang dumating si JC sa shop ay nag-aabang na si Mulo sa kanya sa labas ng shop. Si JC ang nagbubukas ng shop. Nakangiti si Mulo kay JC na mukhang may masayang sasabihin.
“Nakausap ko na si Mam Dioscora, JC!’’
“Kailan?’’
“Kahapon. Tinanong sa akin ang bahay mo.’’
“Ah.’’
Itutuloy