“MABUTI at dito niya naiwan ang wallet, kung sa iba ‘yun, limas na ‘yun,’’ sabi ni Mulo.
“Pasalamat na pasalamat nga, Mulo.’’
“Anong pangalan ni Mam?’’
“Dioscora.’’
“Mabait na ay maganda pa ano?’’
“Oo. Superbait.’’
“Paano mo nakilala si Mam?’’
“Nasira ang aircon ng kotse. Nag-aabang ako nun ng mga titirik sa Blumentritt, eksakto nasira ang aircon niya. ‘Yun, dinala ko rito. Parang ayaw pa nga dahil siyempre baka manloloko. Marami kasing hao-shao na aircon shop ngayon.’’
“Oo nga, gaya nung pinanggalingan ko sa Damong Maliit—manloloko.’’
“Malayo raw ang location ni Mam kaya hindi nasasagot ang call ko.’’
“Tinatawagan mo siya JC?’’
“Oo. Ilang beses. Bilin kasi ni Kuya Dads, tawagan ko at baka nag-aalala.’’
“Alam din ni Kuya Dads ang tungkol sa wallet?’’
“Oo. Sinabi ko.’’
“Ano ang laman ng wallet?’’
“Pera at credit cards.’’
“Magkano ang pera?’’
“Hindi ko alam. Hindi ko hinahawakan.’’
Nang may dumating na kotse. Magpapaayos marahil.
“Estimahin mo muna ‘yan, Mulong. Punta lang ako sa opis.’’
Tumalima si Mulong.
Si JC ay nagtungo sa opis at binilang ang binigay na pera ni Mam Dioscora. Nagulat siya. Sampung libo!
Gusto niyang mapaiyak sa tuwa. Parang hinulog mula sa langit ang pera. Kailangan niya ngayon ang pera para sa graduation fee ng kapatid na si Maria. Ang pera na dumating sa kanya, sobra-sobra pa!
Hindi siya makapaniwala sa “instant himala!”
(Itutuloy)