Sa unang araw na pagbubukas ng KING’S RESORT ay marami agad ang dumagsa. Karamihan ay mga taga-Maynila ang dumating. Mga mag-anak na nagnais takasan marahil ang init ng summer sa Metro Manila. Isa sa dahilan din kung bakit marami ang nagtungo sa resort ay sapagkat madaling makita ang resort dahil nasa tabi ito ng highway.
Kumpleto ang mga pangangailangan sa loob ng resort. May restaurant na puwedeng umorder ng pagkain. Puwede ring magpaluto ng gustong pagkain. Bawat kubo na ipinatayo ni Dex ay kasya ang buong pamilya kaya masaya ang bonding. Dadalhin sa kubo ang inorder na pagkain para doon masayang magsasalu-salo. Marami ring prutas na pagpipilian.
Sumunod na linggo ay mas marami ang dumagsang bisita sa resort. Kulang ang mga kubo.
“Magpapatayo pa tayo ng mga kubo, Lara. Baka sa mga susunod na linggo ay lalo pang dumagsa ang mga pupunta rito.”
“Sa palagay mo ilan pa ang dapat na ipatayong kubo, Dex?’’
“Mga twenty pa. Palagay ko sapat na iyon.’’
“Hindi ko akalain na ganito karami ang dadagsang tao, Dex.’’
“Ako man. Akala ko sapat na ang 15 kubo—hindi pala.’’
“Gaano katagal bago matapos ang karagdagang kubo?’’
“Mga isang linggo lang tapos na iyon.’’
Makalipas ang isang buwan, hindi inaasahan nina Dex at Lara ang dumating na bisita. Ito ang classmate ni Lara na nag-ahente ng lupa. Nagtaka ang classmate kung bakit naging resort ang lupa. Ang alam nito, gagawing taniman ng bungang-kahoy at iba pang halamang medisinal ang lupa. (Itutuloy)