Kaibigan (207)
“Pero talaga bang nag-iwan sa iyo si King ng huling habilin na kung mag-aasawa ka ay ako na ang piliin mo, Dex?’’ tanong ni Lara habang kumakain sila nang masarap na hapunan sa restaurant ng hotel na kanilang tinutuluyan sa Puerto Galera.
“Oo. Gusto mo ipakita ko sa iyo ang sulat niya? Nakatago iyon. Iniingatan ko at baka dumating ang araw e hanapin mo sa akin ang katibayan.’’
“Hindi na. Naniniwala ako. Kahit kailan hindi ako nagduda sa iyo—lahat nang sinasabi mo totoo.’’
“Salamat Lara.’’
“Talagang matibay ang pagkakaibigan n’yo ni King—mahigit pa sa magkapatid ang turingan ninyong dalawa. Siguro ang inyong pagkakaibigan ang pinaka da best sa mundo.’’
“Palagay ko nga Lara. Walang tatalo sa pagkakaibigan namin ni King. Alam mo nang mamatay siya, nawalan ako ng sigla. Para bang nasira ang mga pangarap ko—siguro dahil masyado kaming closed.’’
“Napansin ko ‘yun nun Dex. Hindi ko malilimutan ang itsura mo nang mamatay si King. Parang nawala ka sa wisyo at hindi nag-ayos ng sarili.’’
“Napansin mo pala ‘yun Lara.’’
“Oo. Lungkot na lungkot ka.’’
“Pero ngayon, maligayang-maligaya na ako dahil ikaw na ang kapiling ko.’’
“Ako man Dex.
Isang linggo silang nanatili sa Puerto Galera. Nang magbalik sila sa Maynila, dinalaw nila ang puntod ni King. Marami silang lihim na sinabi sa harap ng puntod ni King. (Itutuloy)
- Latest