Kaibigan (188)

Agad dinampot ni Dex sa sahig ang nalaglag na susi. Pero nakalikha na iyon ng ­ingay na sapat para magulat si Lara. Nagmulat ito ng mata at nakiramdam kung saang parte ng kuwarto may nalaglag. Maya-maya, bumangon ito. Hinagilap ang tuwalya at ibinalot sa katawan. Habang ginagawa iyon ay nakatingin sa bahaging may bumagsak.

Pagkatapos na makapagbalot ng tuwalya ay da­han-dahang lumakad para tingnan ang nalaglag. Hindi siya sure kung anong bagay ang bumagsak sa sahig. Alinlangan siya kung susi o barya ang nalaglag. Mabuti at mababaw ang kanyang tulog.

Dahan-dahan si Lara sa paglapit sa divider. Malakas ang kutob niyang dun may bumagsak.

Samantala, naka­yupyop naman si Dex sa sahig. Idina­dalangin niyang hindi nagi­sing si Lara. Kapag na­gising at nag-usisa ito, tiyak na makikita siya.
Wala na siyang mapagtataguan pa. Hindi halos siya humihinga. Huwag sanang magising si Lara! Huwag sana!

Ang hindi alam ni Dex, marahan nang naglalakad si Lara patungo sa kinakuku­blihan niyang divider. Walang kaingay-ingay ang paghakbang nito. Malakas ang kutob ni Lara na ang i­ngay na narinig niya kanina ay nangyari sa likod ng divider.

Dahan-dahang lumapit si Lara sa pantay taong divider. Pero kinakabahan din siya at baka kung ano ang nasa likod ng divider? Baka may taong nakapasok sa kuwarto niya at may nalaglag sa bulsa nito. Marami na ring magnanakaw sa Riyadh. Kamakailan lang, may nabalitaan siyang nanakawang Pinay sa Rawdah. Nanakaw ang laptop, cell phone, alahas at malaking halaga ng pera. Ayon sa balita, maaring kakilala raw ng biktima ang suspek dahil kabisado ang pinaglalagyan ng alahas at pera.

Dinampot ni Lara ang malaking bote ng pabango na nakapatong sa ulunan ng kanyang kama. Hi­nawakan niya nang mahigpit ang leeg ng botelya. Kalahati pa ang laman ng pabango. Hahampasin niya ang sinumang nakapasok sa room niya.

Si Dex naman ay nanatiling nakayupyop sa sahig. Bahala na kung ano ang mangyari. Kung makikita siya ni Lara, wala siyang magagawa. Hihingi na lang siya ng tawad.

(Itutuloy)

Show comments