Bitbit ni Lara ang isang itim na garbage bag. Magtatapon ng basura!
Mabilis na nagkubli si Dex. Hindi muna siya magpapakita kay Lara. Baka galit pa ito sa kanya. Isa pa, hindi pa siya handang humarap dito. Saka na lang siya makikipag-usap kay Lara.
Tiwalang iniwan ni Lara na bukas ang pinto. Nasa labas ng villa ang malaking lagayan ng basura. Naipon marahil ang basura ni Lara kaya ipinasya na siya na ang magtapon kaysa iasa pa sa janitor.
Nanatili si Dex sa pagkakakubli sa haligi. Kapag nakapasok na si Lara sa room nito saka siya aalis. At least, alam na niya ang kapaligiran dito sa muli niyang pagpunta. Kailangan iplano niya ang pagtungo rito para makipag-usap kay Lara. Gusto niyang malaman kung ano ang dahilan at bigla itong umalis makaraang sabihin ang “huling habilin” ni King. Siguro, hindi nagustuhan ni Lara ang sinabi ni King sa “huling habilin”. Gusto ni King na kung mag-aasawa si Dex ay si Lara na ang piliin. Nakasisiguro raw si Lara kung si Dex ang mapapangasawa.
Marahil iyon ang dahilan kaya biglang umalis nang walang paalam. Nagsisisi nga si Dex kung bakit sinabi pa iyon. Sana hindi na lang.
Nagulat si Dex nang marinig ang mga yabag ni Lara. Pabalik na ito at patungo sa pinagtataguan niya. Tiyak makikita siya. Sa isang gate nagdaan si Lara! Ano ang gagawin niya? Palapit nang palapit si Lara. Wala siyang ibang mapagtataguan.
Hanggang makita ni Dex ang nakabukas na pinto ng room ni Lara. Nagpasya siya. Mabilis na tinungo ang nakabukas na room. Pumasok siya. Naghanap ng mapapagkublihan sa loob. Sa ilalim ng divider siya nagtago. Sumubsob siya roon.
Hanggang sa maramdaman niya ang pagpasok ni Lara. Narinig niya ang pagsasara ng pinto.
Hindi humihinga si Dex sa kinasusubsuban. Bahala na si Batman sa mga mangyayari sa kanya. Huwag sana siyang makita ni Lara.
Kapag tulog na si Lara, saka siya gagawa ng paraan kung paano makakalabas sa room. Siguro ay matutulog na si Lara dahil pasado alas dose na ng hatinggabi. (Itutuloy)