Madilim na nang umalis sa memorial park si Dexter. Ayaw pa sana niyang umalis pero nagbabanta ang pag-ulan kaya napilitan na siyang umuwi. Bukas na lamang uli siya dadalaw sa puntod ng asawa.
Pagdating sa bahay, lalong nadama ni Dex ang matinding kalungkutan. Parang hindi niya kayang mag-isa. Nasanay na siyang kasama si Tess. Kapag ganitong oras ay magkatabi sila rito sa sopa at nanonood ng TV. Nakayakap sa kanya si Tess o di kaya’y hihiga at nakaunan sa kanyang hita. Kapag nangalay sa paghiga ay siya naman ang pahihigain at mamasahehin ang kanyang leeg at balikat. Masarap magmasahe si Tess. Makakatulog siya habang minamasahe.
Ngayon, nag-iisa na siya. Walang kausap. Walang nagsisilbi sa kanya. Walang naglalambing. Wala na ang kanyang mahal na si Tess. Wala na ang kanyang kaibigan!
Ngayong wala na si Tess, na-miss niya ang kabaitan ng asawa. Ni minsan, hindi niya ito nakitang nagalit o uminit man lang ang ulo. Laging cool. Wala rin siyang natandaan na nagtampo man lang. Laging malambing sa kanya. Lagi nitong sinasabi sa kanya ‘‘mahal na mahal kita, Dex’’ at saka hahalikan siya sa pisngi,
Hanggang namalayan na lamang ni Dex na tumutulo na ang kanyang luha.
Bakit iniwan mo agad ako, Tess?
(Itutuloy)