“Ipinasyal ko si Lara sa Recto at kumain sa restaurant na madalas nating kainan noong estudyante pa tayo. Buhay pa pala ang restaurant na iyon akala ko nagsara na. Di ba dun tayo tumatambay kapag tapos na ang klase sa hapon,’’ sabi ni King.
‘‘Oo dun tayo lagi kumakain at inililibre mo ako.’’
‘‘Masarap pa rin ang chopsuey at fried rice nila. Nabusog nga ako. Pagkatapos naming kumain e nagtungo kami sa bookstore sa Morayta. Dun sa bookstore na binibilhan natin nga mga gamit. Malaki na ang pagbabago. Hindi katulad nun na parang ang saya. Kaunti na lang ang mga bumibili. Nagbasa-basa kami ni Lara ng libro. Pagkatapos ay nag-window shopping at saka umuwi na. Kung uso pa sana ang sine ay manonoood kami pero wala na. Di ba nun ay nanonood tayo ng sine sa ano ngang sinehan ‘yun na malapit sa Morayta? Nakalimutan ko ang pangalan.’’
Nag-isip si Dex.
“Hindi ko maalala King. Palibhasa e matagal na.’’
“Paglabas natin sa klase, deretso tayo sa sinehan, ha-ha-ha!’’
‘‘Ang sarap alalahanin ng kahapon ano King?’’
“Oo. Nalilimutan sandali ang mga problema.’’
“Saan pa kayo nagpunta ni Lara?’’’
‘‘Wala na. Umuwi na kami.’’
‘‘Nag-alala ako kanina, King nang dumating ako at wala kayo?’’
‘‘Akala mo lumayas na kami?’’
‘‘’Yun ang una kong naisip. Pero sabi ko rin, bakit naman kayo aalis nang walang paalam.’’
Nagtawa si King.
“Hindi ko magagawang umalis na hindi nagsasabi. Napakasuwail ko namang kaibigan kung aalis na walang paalam.’’
“Oo nga. Sabi ko sa sarili, hindi mo magagawa ‘yun.’’
‘‘Malayung-malayo na umalis ako rito nang walang paalam.’’
“Naisip ko rin naman na baka umuwi kayo ng probinsiya. Baka magta-try uli kayong magtungo kina Lara.’
Umiling si King.
“Hindi na siguro kami uuwi ng probinsiya, Dex. Last na siguro ‘yung uwi namin noong nakaraang linggo. Hindi na mauulit ‘yun. Ayaw ko nang maliitin. Tama na ang pagmamakaawa.’’
‘‘Paano kung si Lara ang magyaya?’’
Hindi nakasagot si King.
Saka umiling-iling.
(Itutuloy)