Huling Eba sa Paraiso (164)

Niyaya ni Drew sa ilalim ng malagong puno ng suha si Marianne. Naupo sila sa damu­han.

“Kung ligawan kita ngayon, Marianne, sasagutin mo agad ako?’’

‘‘Pag-iisipan ko.’’

‘‘Bakit?’’

‘‘Kasi napakabilis naman kung sasagutin agad kita. Ngayon ka lang nanligaw tapos ay gusto mo agad ng kasagutan.’’

‘‘Hindi puwedeng i-advance?’’

Napahalakhak si Marianne.

‘‘Puwede ba ‘yun? Ano ‘yun suweldo na puwedeng maka-advance ?’’

Si Drew naman ang napahalakhak.

‘‘Baka makalusot lang naman.’’

‘‘Hindi talaga puwede.’’

‘‘Pero kung sakali ano ang tsansa ko, Marianne—maliit o malaki?’’

‘‘Ay ang daya nito! Basta manligaw ka at malalaman mo ang kasagutan sa mga susunod na araw.’’

‘‘Sana malaki ang tsansa ko, Marianne. Para naman makabawi ako sa mga kabi­guan ko noon. Ayaw ko na sanang mabigo sa pagkakataong ito. Gusto ko namang makaranas ng ligaya sa piling mo…’’

Tinitigan ni Marianne si Drew. Hindi siya kumukurap. Sinasalamin ang katotohanan sa sinabi nito.

At saka siya nagbaba ng paningin.

Bakit pa ba niya pahihirapan si Drew? Hindi dapat pahirapan ang taong malaki ang naging papel sa buhay niya. Ito ang lalaking nagligtas sa kanya sa tiyak na pagkahulog sa kumunoy.

‘‘Sige na nga sasagutin na kita Drew.’’

‘‘Sasagutin mo na ako ngayon?’’

‘‘Oo.’’

Hindi makapaniwala si Drew.

‘‘Oo ang sagot ko Drew.’’

Lalong napipi si Drew.

(Itutuloy)

Show comments