‘‘Kapag nakakakalap na tayo nang matitibay na ebidensiya laban kay Mr. C, kukuha tayo ng warrant of arrest sa judge. Kapag nakakuha na tayo, tiyak na maisisilbi natin ang warrant at maaaresto na natin ang drug lord na salot sa bayang ito,’’ sabi ni Luke sa seryosong boses.
“May isa nang matibay na ebidensiya, Luke — si Marianne na na-rescue ko sa club. Siya ang makakapagpatunay sa prostitution den ni Mr. C. Siya mismo ay nakaranas ng kahayupan ni Mr. C.’’
“Okey tamang-tama. Tapos itong si Lando at Kardo pala ay mga naging biktima rin ang kanilang mga kamag-anak. Naging addict pala ang kapatid ni Lando at nasadlak naman sa prostitution ang pinsan ni Kardo, tama ba?’’
“Oo.’’
“Ang kailangan natin ay konkretong ebidensiya na magdidiin kay Mr. C at mga kasama niya. Sisiguruhin natin na hindi tayo madadale sa technicalities. Marami kasing pangyayari na ang mga pulis na katulad ko, sa kabila na kumpleto sa ebidensiya ay nabubutasan lalo na kung magaling ang abogado ng inaakusahan. Katiting kasi na mabutasan, absuwelto ang akusado. Sayang ang paghihirap ng pulis na makasuhan ang mga kriminal. Kaya mag-iingat tayo—doble ingat o triple pa dapat.’’
‘‘Marami akong natutunan sa’yo, Luke. Dapat pala maging maingat.’’
“Oo, Drew.’’
Maya-maya seryosong nagtanong si Luke.
“Di ba ang sabi mo, na-rescue mo ang babae —si Marianne sa club, desidido ka talaga na tulungan siya hanggang sa wakas?’’
“Noon ay nagdalawang-isip ako kung itutuloy ba ang pagtulong sa kanya — at nagpasya na ako, Luke — tuloy na ito. Kailangan ang hustisya kay Marianne.’’
“Sige! Tuloy ang laban!’’
Kinabukasan, kinausap ni Luke si Drew.
“Lalakad tayo Drew.’’
“Saan?’’
“Kakalap tayo ng ebidensiya!’’
(Itutuloy)