‘‘Mukhang magpipilit silang pumasok, Kuya. Baka nalaman nila na may tao rito kaya pursigido,’’ sabi ni Tikoy kay Drew habang nakasilip sa maliit na siwang sa bintana.
‘‘Mabuti pa kaya ay bumalik ka na rito sa Maynila, Tikoy. Bukas na bukas din.’’
‘‘Paano naman ang kabuhayan natin dito, Kuya? Kailangang anihin ang palay at koprasin ang niyog.’’
‘‘Mas mahalaga ang buhay, Tikoy. Puwede uli tayong magtanim pero ang buhay, hindi na ‘yan maibabalik. Umuwi ka na rito bukas. Mas safe tayo rito.’’
‘‘Sige Kuya.’’
‘‘Nakikita mo pa ba ang mga taong umaaligid diyan?’’
‘‘Oo Kuya. Nasa may gate pa sila at nakasulyap dito sa farmhouse. Pakiramdam ko, gustong pumasok para makatiyak kung may tao.’’
‘‘Kapag nagpumilit, tumakas ka na. Dun ka sa likod dumaan — dun sa ginawa nating sekretong daan palabas.’’
‘‘Oo, Kuya.’’
‘‘Hindi titigil ang mga ‘yan hangga’t walang nairereport kay Mr. C. Tiyak na gagawan ng paraan para ka mapiga at sabihin kung nasaan si Marianne.’’
‘‘Hindi nila ako mapipiga Kuya dahil lalaban ako. Hindi ako basta-basta pahuhuli sa mga ito.’’
‘‘Mag-ingat ka Tikoy dahil ang mga bodyguard daw ni Mr. C ay mga dating nadismis na pulis at sundalo. Kaya sanay pumatay ang mga ‘yan. Baka paghindi ka sumunod sa kanila ay barilin ka na lang at itapon sa ilog pagkatapos.’’
‘‘Mag-iingat ako Kuya. Sa lihim na daan ako pupuslit kapag gipitan na.’’
‘‘Sige, hihintayin kita rito.’’
‘‘Sige Kuya.’’
Pagkatapos nilang mag-usap, nakita ni Tikoy na sumampa sa gate ang mga lalaki. Mukhang papasukin na ang farmhouse.
Kinuha ni Tikoy ang kahoy na Batino. Gagamitin niya ito kapag nagpumilit pumasok ang tatlo. Lalaban siya! Hindi siya basta-basta susuko sa mga ito!
(Itutuloy)