“Noon ko pa gustong tumira sa simpleng bahay na ang mga kapitbahay ay mababait. Di ba nabanggit mo nun na ang kapitbahay mo ay binibigyan ka ng ulam. Sino nga yun, Joem?’’
‘‘Si Aling Nita.’’
“Oo siya nga.’’
“Nandun pa rin ba siya?’’
“Oo. Ipinaayos ko nga ang bahay niya. Pinalagyan ko second floor. Sabi ko bayad ‘yun sa pagkakautang ko sa kanya. Ayaw nga at nahihiya pero nang sinabi ko na uumpisahan na ang construction, pumayag na rin, Napakabuti ni Aling Nita. Siya ang parang naging ina ko mula nang mamatay si Mama.’’
“Lahat pala nang tumulong sa’yo e natulungan mo na Joem. ‘Yung pinsan mong si Bong ay ipinasok mo ng trabaho at mataas na ang posisyon sa inyong kompanya tapos ay si Aling Nita. Kaya pala sinusuwerte ka sa buhay dahil ang mga tumulong sa iyo ay natulungan mo na rin. Napakabuti mo Joem. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa iyo. Tama pala talaga na ikaw ang lalaking kasamahin ko sa buhay.’’
‘‘Meron pa akong dalawang tao na hindi ko pa natutulungan, Monay.’’
“Sino ang mga iyon, Joem. Kailangang matulungan mo sila. Huwag mo silang kalilimutan. Sinu-sino sila?’’
‘‘Ang class adviser natin. Di ba ikaw pa ang kasama ko nang kausapin siya para ako tanggapin sa klase dahil matagal akong absent dahil namatay si Mama. Siya rin ang sumama sa akin sa stage noong graduation natin.’’
‘‘Oo si Mam ano nga siya. Nalimutan ko na.’’
‘‘Si Mam Frances...’’
‘‘Oo siya nga. E sino pa ang isang tao na hindi mo pa natutulungan?’’
‘‘Siya ‘yung taong pinaka-espesyal sa akin. Yung taong araw-araw ay nagbibigay ng monay. Hindi ko pa siya nababayaran.’’
“Ako ‘yun ah. Magbayad ka ngayon din, ha-ha-ha!’’
‘‘Babayaran talaga kita Monay. Anong gusto mong ibayad ko.’’
“Ang pagmamahal mo sa akin ay sapat na sapat nang kabayaran Joem. Wala na akong hinihiling pa. Ang pag-ibig mo ay sapat na sa akin.’’
Hinalikan ni Joem si Monay sa labi. Punumpuno ng pagmamahal.
Kinabukasan, ang paliligo naman sa beach ang inatupag nila. Sabik na sabik si Monay sa malinis na tubig ng dagat. Naghabulan sila ni Joem sa dalampasigan. Wala silang kasingsaya.
(Itutuloy)