Maraming taon na ang lumipas mula nang huli silang magkita ni Monay at siguro, ang espesyal na damdamin na iniukol nito sa kanya ay wala na. Nalaho na iyon sa paglipas ng mga taon.
Naisip ni Joem, nagbabago ang damdamin. Ang nadamang pagkagusto ni Monay sa kanya ay hindi naman masasabing pag-ibig. Mga high school pa sila noon na nagsisimulang sumibol ang sinasabing “crush”. Normal ang crush sa panahon ng high school. Sa paglipas ng panahon, unti-unting nawawala ang pagka-crush. Kaya tiyak niya na ang sinasabi ni Monay na pagkagusto sa kanya noong nasa high school sila ay lusaw na. Wala na ang damdaming iyon. Masarap na lamang gunitain iyon sa alaala. Masarap balikan ang alaala nila noong high school.
Ipinagpatuloy ni Joem ang pagbabasa sa sulat ng asawang si Cath na may kaugnayan pa rin kay Monay.
At hindi niya inaasahan ang mga nilahad ni Cath sa sulat. Hindi siya makapaniwala.
‘‘Hinihintay ka pala talaga ni Monay. Kung nagtapat ka raw ng pag-ibig kay Monay noong nasa high school pa kayo, sinagot ka raw niya. Pero wala ka raw sinasabi. Wala ka raw paramdam. Pero sabi sa akin ni Monay, siguro raw ay nahihiya ka lang. Sabi pa ni Monay, baka naapektuhan ng mga nangyaring trahedya sa iyong buhay kaya ka naging mahiyain at dungo lalo na sa pagpapahayag ng damdamin sa babae.
‘‘Pero handa raw siyang maghintay. Kaya niyang hintayin ang sandaling magkaroon ka ng lakas na magtapat sa kanya. Sabi ni Monay, malakas daw ang paniwala niya na sa dakong huli ay magkikita uli kayo at sa pagkakataong iyon ay matutupad na ang kanyang dalangin na magkatuluyan kayo.
“Hindi pa rin daw sinasara ni Monay ang kanyang damdamin sa lalaking pinag-ukulan niya ng pag-ibig noon. Wish nga niya na pag-uwi sa Pilipinas ay makita ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso…ikaw iyon Joem.” (Itutuloy)