Ipinagpatuloy ni Joem ang pagbabasa sa sulat ni Cath. Nahihilam sa luha ang kanyang mga mata. Naalala niya ang mga nangyari noong nasa high school pa sila ni Monay. Iyon ang panahong matiyaga siyang binibigyan ni Monay ng monay. Iyon ang panahong pinagmamalupitan siya at kanyang mama ng demonyo niyang amain.
“Alam kong ikaw ang tinutukoy ni Monay. Ikaw ang lalaking kaklase na matiyaga niyang binigyan ng monay. Habang ikinukuwento sa akin ni Monay ang mga nangyari sa iyo noon, gusto kong maiyak. Pero hindi ako nagpahalata kay Monay. Hindi niya nalaman na ang lalaking buong tiyaga niyang binigyan ng monay ay aking asawa.
“Nagpatuloy pa si Monay sa pagkukuwento sa akin. Sabi niya, sa lahat daw ng Facebook friends niya, sa akin daw lamang niya ipinagtapat ang mga nangyari sa kanyang buhay. Kasi raw, napi-feel niyang tunay akong kaibigan. Sagot ko naman, hindi siya nagkamali sa nararamdaman. At ginantihan ko rin naman siya sa pagsasabing, siya ang pinaka-special kong kaibigan sa lahat.
‘‘Nagpasalamat siya sa akin. Sabi pa niya, kung makakauwi raw siya sa Pilipinas sa future ay ako ang una niyang hahanapin. Gusto raw niya akong makita sa personal. Sabi pa niya, siguro raw ay ang bait-bait ko. Sagot ko naman, ganundin ang napi-feel ko sa kanya – napakabait din niya.
‘‘Ipinagpatuloy ni Monay ang pagkukuwento ukol sa mga nangyari sa inyo noong high school days n’yo. Sabi niya, minsan daw ay nagpunta sila ng kanyang classmate na babae sa inyong bahay. Nagluto ka raw ng fishball at sarap na sarap daw siya. Napakasarap daw ng sauce o sawsawan na ginawa mo. Sa sobrang sarap daw ay hinihigop niya ang sauce ng fishball…’’
Itinigil ni Joem ang pagbabasa. Parang namamasa sa luha ang gilid ng kanyang mga mata.
(Itutuloy)