“Anong sinasabi mo, Ino?’’ mahina ngunit may diin ang boses ni Gab. Halatang nagpipigil siya sa inasal ng kapatid kay Dado.
“Siya ‘yung nagpunta minsan sa inuupahan mo Sister. ‘Di ba Bro?’’
Tumango si Dado para matigil na ang pagsasalita ni Ino.
‘‘O kita mo at inamin niya, Sister. ‘Di ba tinanong kita Bro kung bakit mo hinahanap si Gab e wala ka namang masabi kung bakit. ‘Di ba Bro? Sa second floor ka lang pala nakatira e ‘di sana sinabi mo para napasyalan kita at nag-inuman tayo.’’
“Oo nga hindi na ako nakapagpakilala.’’
“Sa sunod Bro, magpapakilala ka para nawi-welcome kita. Lalo ngayon na ngayon – na magsiyota na siguro kayo ng sister ko, he-he-he!’’
“Ino ‘yang bibig mo! Mahiya ka naman sa mga tao!’’
Namagitan si Dado. Pinayapa si Gab.
“Relaks lang Gab.’’
Naasar na si Ino.
“Bakit ba ang taray-taray mo? Wala namang masama sa mga sinabi ko. Mabuti pang hindi nakapunta rito, buwisit!’’
“Tumigil ka na Ino. Igalang mo naman si Papa. Kakahiya sa mga nakakarinig,’’ sabi ni Gab sa mahinang boses.
‘‘Buwisit! Makaalis na nga!’’
Humakbang paalis si Ino.
Magsasalita sana si Gab pero pinigilan ni Dado.
‘‘Huwag mo nang pansinin. Hayaan mo na lang.’’
Tuluyan nang lumabas si Ino. Nakatingin ang mga nagsisipaglamay kay Ino. Napuno ng katahimikan.
Gustong umiyak ni Gab pero pinigil niya dahil lalo lamang magtitinginan ang mga nakikiramay. Kakahiya.
Maya-maya lumapit ang bunsong si Briel. Nanggaling ito sa labas.
‘‘Ba’t nagmamadaling umalis si Kuya, Ate?’’ tanong nito.
‘‘Mamaya ko na sasabihin.’’
Naupo si Briel sa tabi ni Gab.
‘‘Hindi na ako sinagot nang masalubong ko sa hagdan. Mukhang may topak na naman,’’ sabi ni Briel.
“Hindi ko alam kung anong pakikitungo ang gagawin ko kay Ino. Bastos nang magsasagot,’’ sabi ni Gab na halos pabulong.
‘‘Huwag mo nang pansinin Ate. Siguro may problema lang sa biyenan niya.’’
“Hindi kaya nagda-drugs si Ino, Briel?’’
Nag-isip si Briel.
(Itutuloy)