“Baka magtanong si Mama kung ano kita? At bakit kita kasama?’’
“E di sabihin mong friend mo ako. Nakatira sa second floor.’’
Nag-isip si Gab.
Huminga.
“Kasi’y alam mo na ang mga ina, advance mag-isip. Baka isipin na dyowa kita. Ayaw kong mag-iisip siya ng ganun. ‘Di ba nasabi ko sa iyo na dumanas siya depression. Baka mag-isip na naman kapag nakitang may kasama ako at – lalaki pa.’’
Napatangu-tango si Dado, Naunawaan niya si Gab kung bakit ayaw siyang isama.
“Sige Gab, baka nga makadagdag sa isipin ng mama mo. Hindi na lang ako sasama.’’
“Masama ang loob mo?’’
“Hindi. Naunawaan kita.’’
Hindi nagsalita si Gab. Tumingin ito sa labas ng jeepney. Malapit na sila sa Gov. Forbes. Malapit nang bumaba si Gab.
‘‘Sige na nga isama na kita, Dads. Siguro naman ay hindi mag-iisip nang masama si Mama kapag nakitang magkasama tayo. Hindi ka naman mukhang palikero...’’
Napahagikgik si Dads.
‘‘Mukha ba akong santo?’’
‘‘Oo. Mukha kang pari. Siguro naman e magiging okey ka kay Mama.’’
“Ano ba ang paboritong isuot ng mama mo? Mapasalubungan para hindi ako pag-isipan nang masama.’’
“Huwag na Dads.’’
“A basta bibili ako ng pasalubong sa kanya. Ano ba ang itsura ng mama mo. Siguro maganda rin na gaya mo?’’
“Kamukha ko siya.’’
“May naisip na ako para sa kanya.’’
“Huwag na Dads. Kakahiya naman sa’yo.’’
“Basta pasasalubungan ko siya.’’
Huminga si Gab.
“Sabihin mo sa akin kung kailan tayo aalis para makapaghanda ako.’’
Tumango si Gab.
Tumawid na ang jeepney sa Forbes at pagsapit sa UST, bumaba na si Gab.
“Bye Dads.’’
Inalalayan ito ni Dado sa pagbaba.
(Itutuloy)