‘‘Tama pala ang sabi mo Hani na mabango ang simoy ng hangin dito sa inyo --- amoy nahihinog na palay,’’ sabi ni Cris na saglit na tumigil at tinanaw ang malawak na palayan.
‘‘Ang laki ng palayang ito! Sa inyo ba ito Hani?’’
“Hindi Kuya! Maliit lang ang sa amin diyan.’’
‘‘Asan ang palayan n’yo ?’’
‘‘‘Yung nasa paligid ng aming bahay. Kaunti lang Kuya. Namana ‘yun ni Tatay.’’
‘‘E ‘di wala kayong problema sa bigas?’’
“Oo Kuya. Bukod sa may nakakain ay nakakapagbenta pa si Tatay. Dun din kumukuha si Nanay ng ginagawang suman. Nagtatanim ng malagkit si Tatay.’’
“Gumagawa nga pala nang masarap na suman ang nanay mo. Gusto kong makita kung paano gawin ang suman.’’
“Sige Kuya.’’
Nakita ni Cris ang kalabaw na nasa lublubang hukay. Aliw na aliw si Cris sa nakita.
‘‘Kalabaw ba ang ginamit ng tatay mo sa pagbubukid, Hani ?’’
‘‘Oo Kuya. Lima ang kalabaw ni Tatay na ginagamit niya sa pag-aararo at paghahakot ng punla.’’
Napatangu-tango si Cris.
Maya-maya, nakarating na sila sa bahay nina Hani. Bunggalow type iyon.
Tumawag si Hani.
‘‘Nanay, Tatay, narito na kami !’’
Biglang may nagbukas ng pinto. Isang dalagita ang sumungaw. Maganda ang dalagita.
“Ate Hani!” sigaw nito at saka malakas na tinawag ang tatay at nanay.
“Narito na sina Ate Hani! Narito na sila!’’
Ilang saglit pa at lumabas na ang tatay at nanay ni Hani at mga kapatid. Sinalubong sila.
Mangha si Cris sa itsura ng tatay at nanay ni Cris. Maganda at guwapo. Maganda at guwapo rin ang mga kapatid ni Hani.
Nagmano si Hani sa kanyang nanay at tatay.
Nagmano rin si Cris.
“Mano po!’’ sabi niya sa nanay ni Hani.
Inabot ni Cris ang kamay ng nanay. Ganundin ang ginawa niya sa tatay nito.
Saka siya ipinakilala ni Hani. (Itutuloy)