Hindi makapagsalita si Cris dahil sa pagkabigla na ngayo’y siya pa ang tinatanong ni Hani kung mayroon siyang problema. Akalain ba niyang inakala pa ni Hani na may problema siya gayung nag-iisip lang naman siya ng paraan kung paano makakapagpahayag ng pag-ibig dito.
Ito na siguro ang tamang pagkakataon para malaman ni Hani ang laman ng kanyang dibdib.
‘‘Sige na Kuya, huwag ka nang mahiya. Makikinig ako kung ano man ang nagpapahirap sa’yo. Tutulungan kita Kuya. Handa akong gawin ang lahat. Ipagtapat mo na sa akin Kuya.’’
Doon na nagkaroon ng lakas si Cris.
‘‘Handa mo akong pakinggan, Hani?’’
“Oo Kuya. Sino pa ba naman ang tutulong sa’yo?’’
“Hindi ka magagalit?’’
‘‘Ba’t naman ako magagalit, Kuya?’’
“Kasi baka masamain mo ang ipagtatapat ko kaya sinasabi ko na agad sa’yo. Mabuti nang hindi ka mabibigla.’’
‘‘Hindi ako magagalit o mabibigla Kuya. Ang hangarin ko ay matulugan ka sa dinadala mong problema. Kasi habang nakikita kitang nag-iisip nang malalim at madalas magbuntunghininga, apektado ako. Hindi ako mapakali kaya gusto kong malaman ang nagpapahirap sa’yo.’’
Bumuntunghininga kunwari si Cris.
‘‘Ayan at bumubuntunghininga ka na naman. Sabihin mo na nga Kuya para natatahimik na rin ang kalooban ko.’’
“Sige Hani. Halika doon tayo sa salas. Maupo tayo sa sopa.’’
“Puwede naman dito Kuya.’’
‘‘Dun na lang sa salas Hani. Gusto ko nakaupo tayo.’’
‘‘Sige Kuya kung yan ang gusto mo. Sandali at papatayin ko lang ang gas.’’
Nagtungo na sila sa salas.
Naupo sila sa sopa.
‘‘Sige ipagtapat mo na Kuya at makikinig ako. Hindi ako magagalit o anuman gaya ng iniisip mo. Mauunawaan kita.’’
Tumingin si Cris kay Hani.
Makahulugan ang tingin niya rito.
Pagkatapos ay umipod si Cris kay Hani.
Dumikit.
Hindi naman lumayo si Hani sa biglang pagdikit ni Cris.
Nagsimula nang magtapat si Cris. Buung-buo at tiyak na tiyak ang mga sinabi.
“Hani, gusto kong malaman mo na minamahal kita. Hindi lang ako makapagtapat dahil nahihiya ako. Iyan ang dahilan kaya lagi mo akong nakikita na nag-iisip nang malalim at madalas magbuntunghininga. Hindi ko malaman kung paano ko sasabihin sa’yo. Baka kasi magalit ka at masira ang ating relasyon. Pero ngayong nakakita ako ng pagkakataon at ikaw na rin ang naghikayat sa akin kaya nasabi ko na ang laman ng aking damdamin. Mahal kita Hani.’’ (Itutuloy)