Alupihan (210)

“Patawarin mo ako Maya dahil nasisira­ ko ang pangako sa’yo na ikaw lamang ang ma­ma­­halin habang ako’y na­bubuhay. Mayroong isang babae na halos ay kasing-ugali mo ang nagpapalito sa akin at mayroon akong kakaibang nararamdaman. Malapit na malapit ang loob ko sa kanya pero dahil sa naipangako ko sa’yo nung bago ka mamatay­, hindi ko magawang ma­kapagtapat sapagkat nakokonsensiya ako…’’

Ilang beses bumuntunghininga si Cris. Taimtim na taimtim ang pag-usal niya nang tahimik sa harap ng puntod ng asawa.

“Gusto ko sanang hu­mingi ng palatandaan sa’yo Maya kung pinapayagan mo ako o hindi. Naalala kong sinabi mo nung bago ka mawala sa aking piling na maaari naman akong humanap ng ibang makakasama basta ang pipiliin ko lamang ay katulad mong mabait, malambing, maalalahanin, matapat at mapagmahal. Nakita ko ito sa babaing kasama ko sa bahay. At parang nakita kita sa katauhan ni Maya. Kung ano ang ginagawa mo sa aking pag-aasikaso, pagsisilbi at kung anu-ano pang uri ng pagmamahal, ganundin ang ginagawa niya.

Kamakailan lang ay nagkasakit ako, Maya at alam mo bang ginawa niya ang lahat para ako mapagsilbihan. Hindi na nga siya pumasok sa trabaho para ako maalagaan. Kung ano ang ginagawa mo sa aking pag-aalaga noong nabubuhay ka pa, ganundin ang ginagawa niya. Talagang magkatulad na magkatulad kayo. Parang nabuhay ka sa katauhan niya. Ang pangalan niya ay Hani…’’

Yumukod si Cris. Sana ay magpakita ng signs si Maya na pumapayag ito na makipagmabutihan na sa ibang babae – kay Hani nga.

Pumikit si Cris. Mga ilang segundo.

Nang magmulat siya, nakita niya ang imahe ni Maya sa lapida. Nakangiti ito. Masaya. Isang palatandaan na pumapayag ito sa hiling niya. (Itutuloy)

Show comments