Alupihan (207)

Ayaw dalawin ng antok si Cris. Kanina pa siya papalit-palit ng posisyon sa pagkakahiga. Hindi niya malaman kung bakit. Basta ang nasa isip niya ay si Hani. Siguro’y dahil sa magandang ipinakita sa kanya ni Hani kaya nagkakaganito siya. Sobrang nasiyahan siya sa ginawa ni Hani na pag-aalaga sa kanya.

At aywan niya kung bakit may naiiwang katanungan sa kanyang isip: mahal ba niya si Hani? Umiibig ba siya rito?

Pumikit si Cris.

Pabalik-balik ang tanong sa kanyang isip. Mahal ba niya si Hani? Umiibig ba siya rito?

Bumuntunghininga si Cris.

Hindi siya nagmumulat ng mga mata.

Saka ay bigla niyang naalala ang namayapang asawa na si Maya. At nakita niya ang larawan ng kanyang asawa. Nakangi­ti ito sa kanya. Walang pagbabago sa mukha ng kanyang asawa. Maganda pa rin ito. Walang kupas.

Saka ay naalala niya ang ipinangako rito na walang makakapalit sa puso niya. Siya lamang ang nag-iisang mamahalin forever.

Nang biglang sumingit ang mga pagsisilbi na ginawa sa kanya ni Hani noong siya ay maysakit. Inalagaan siya nang todo.

Napabuntunghininga muli si Cris. Naguguluhan siya.

Humingi siya ng tawad sa namayapang si Maya dahil sa mga pag-iisip niya kay Hani.

Patawad Maya! Pata­wad!Patawad sa pag-iisip ko kay Hani!

Pero nang muli niyang makita ang larawan ni Maya, nakangiti ito. Hindi nagagalit kahit mayroon siyang mga tanong kung umiibig ba siya kay Hani.

Parang sa pagkakangiti ni Maya ay pinapayagan siya nitong humanap na ng bagong mamahalin. Wala itong tutol. Binibigyan siya ng signal na magmahal na ng ibang babae.

Sabagay, sinabi naman ni Maya noong nakaratay na ito sa sakit na puwede siyang mag-asawa basta ang pipiliin ay katulad niya. Kailangan, katulad niya ang pag-uugali, maunawain, mabait, mapagpasensiya, maasikaso at mapagmahal.

Napangiti si Cris. Parang gumaan ang pakiramdam niya.

Kinabukasan, lihim na inobserbahan ni Cris si Hani habang nasa kusina. Tingin niya, parang nagkakatulad si Maya at Hani. Kung kumilos ay nagkakahawig ang dalawa.

(Itutuloy)

Show comments