Ahas sa Garden (350)

MATAPOS ang pagkikita nina Alexis at Franco, naipokus pa nang todo ni Alexis ang atensiyon sa kanyang fruits at vegetable business. Dumami pa ang kanyang mga kliyente. Hindi lamang mga casino at restaurant ang nag-order ng kanyang organic vegetables kun­di pati na rin ang malalaking supermarket sa Metro Manila. Naging­ in-demand ang mga sariwang gulay na hindi ginamitan ng chemical na pataba at pesticides.

Lalo pang naging mabenta mula nang lumabas sa pag-aaral na ang mga green leafy vegetables ay nakapagpapagaling ng breast at colon cancer. Isang babae ang nagpatunay na mula nang regular na kumain siya ng green leafy vegetables sa loob ng anim na buwan ay nawala ang kanyang cancer.

Mula noon, marami na ang nag-switch sa maberdeng dahon  o gulay. Nabawasan ang mga kumakain ng processed foods at mga karne ng baka at baboy. Naging vegetarian ang karamihan lalo sa Metro Manila.

Dahil dun lalo pang lumaki ang negosyo ni Alexis. Lalo pang nadag­dagan ang kanyang income at kilalang-kilala na siya bilang “vegetable king”. Para maibalik sa kapwa ang mga tinatamasang biyaya, marami siyang ginawang scholar. Pinag-aral niya ng agriculture ang mga anak ng kanyang manggagawa. Ang mga matatalinong bata ay sinuportahan niya. Iyon para kay Alexis ang isang paraan para maibalik sa Diyos ang mga biyayang pinagkaloob sa kanya. Naniniwala rin siya na kung mapag-aaral ang mga masisipag at matatalinong bata, magpapatuloy ang kanyang nasimulang negosyo. Patuloy ang pag-unlad ng gulayan at prutasan na lubhang ma­halaga para sa kalusu­gan ng mamamayan.

Nakapagpundar pa si Alexis nang malawak na taniman ng gulay sa maraming bahagi ng bansa. At sa bawat lugar na mayroon siyang taniman, nakapagbigay siya ng trabaho. Wala nang magpapalimos. Wala nang aasa sa kanyang kapwa.

Sa pag-iisa, kapag binabalikan ni Alexis ang mga nakaraan niyang buhay, hindi niya aakalain na tatamasahin ang ganito. Salamat at naituwid niya ang buhay. Salamat at ginabayan siya ng Diyos sa kanyang dinadaanan hanggang sa maabot ang tagumpay.

(Itutuloy)

Show comments