Lahat wala
NASA 277 rekord na may kaugnayan sa Proclamation 75 na nagbigay ng amnestiya sa mga nasangkot sa Oakwood Mutiny, Marine Standoff at Philippine Peninsula Seige ay nawawala sa Department of National Defense (DND). Ito ang pahayag ng Chief Legal Affairs of the DND sa pagdinig sa Makati Regional Trial Court Branch 148, kaugnay sa kasong coup d’etat laban kay Sen. Trillanes na binawian ng amnestiya ni President Duterte dahil hindi raw nagsumite ng application form. Lumalabas ngayon, na ang batayan para bawiin ni Duterte ang amnestiya ni Sen. Trillanes ay siyang dapat na batayan para bawiin ang amnestiya ng 277 sundalo at pulis na sangkot sa mga nasabing krimen laban sa bansa, kasama sina Faeldon, Lim, Maestrecampo, Gambala at marami pang iba, hindi ba? O si Trillanes lang ang gustong ipitin?
At paano mawawala ang lahat ng dokumento ng lahat ng nag-apply ng amnestiya? Hindi kapani-paniwala na lahat sabay-sabay nawala. Ibig sabihin, ang pinaglagyan ng lahat ng mga dokumento kaugnay ng Proclamation 75 ay nawala, o winala na lang? Hindi naman puwedeng sabihin na lahat sila ay hindi nag-apply ng amnestiya. May sinasabi rin ngayon ang prosekyutor ng gobyerno na depektibo ang application form ni Trillanes. Kung ganun, meron pala at hindi “wala”, hindi ba? Ngayon, depektibo naman. Eh kung depektibo, bakit hindi ito pinuna noong sinumite, at ngayon lang nauungkat? At ganun din, kung depektibo ang kay Trillanes, hindi ba dapat depektibo rin ang sa iba o sa lahat ng nagsumite?
Ito na ba ang binanggit ni AFP Chief of Staff Gen. Galvez na binigyan nga ng amnestiya si Trillanes at iba pa, pero baka may pagkukulang sa pagtago ng mga dokumento? Sino ngayon ang dapat managot dito? Kasalanan ba ng mga nag-apply ng amnestiya na hindi itinago nang maayos ang kanilang mga dokumento? Sabihin na natin na may ligal na batayan ang pagbawi ni Duterte ng amnestiya ni Trillanes, dapat lang niyang bawiin ang amnestiya ng lahat, dahil krimen laban sa bansa ang kanilang ginawa, hindi ba? Kung hindi, huwag na lang sabihin ng administrasyong ito na hindi lang si Trillanes ang iniipit.
- Latest