NAKADAMA nang ma-tinding awa si Ruth nang makita ang dalagitang pulubi na nakahiga sa waiting shed. Parang nakita niya ang sarili sa kalagayan ng dalagita. Ganito rin siya noon. Natutulog sa harapan o gilid ng convenience store na kapag umuulan ay nababasa siya. Kung minsan, naranasan na rin niyang matulog sa center island sa may Recto pero nang pagsisipain siya ng mga kapwa bata ay hindi na siya roon natulog. Inaangkin ng mga batang Recto ang center island. Kanila raw iyon. Kaya balik siya sa harapan ng convenience store sa Doroteo Jose. At doon nga siya nakita ni Mommy Donna at inampon.
Nilapitan ni Ruth ang dalagita para bigyan ng pera. Alam niyang hindi makakasapat ang P100 pero maibibili na ito ng pagkain.
Yumuko siya para ilagay ang pera sa papag na hinihigaan. Tulog ang dalagita o may sakit?
Inilagay niya ang pera sa palad nito. Isiniksik niya.
Nang bigla siyang magulat nang biglang magsisigaw ang babaing nasa likuran niya.
“Anong gagawin mo sa anak ko? Kikidnapin mo?’’
“Hindi po!’’ sagot ni Ruth. Tila sintu-sinto ang babae.
“Layas! Layas!’’
“Nilimusan ko lang ang anak mo Manang.’’
“Layas! Layas! Baka kampon ka ni Satanas! Hindi mo makukuha sa akin ang anak ko.”
Biglang lumayo si Ruth at baka kung ano ang gawin sa kanya ng babae. Mukhang nalipasan na ng gutom kaya kung anu-ano ang sinasabi.
Napahinga nang ma-luwag si Ruth. Mabuti pa ang inang pulubi at pinuprotektahan ang anak. Siya ay hindi man lang naprotektahan ng kanyang ina noon. Pinabayaan siya. Mas kinampihan pa ang ka-live-in na gagahasa sa kanya.
(Itutuloy)