MAKAPAL ang nakabukas na sobre na nakuha ni Ruth sa ilalim ng kama ni Mommy Donna. Kailan lang siguro nalaglag ang sobre dahil kalilinis lang niya ng kuwarto. Alaga niyang linisin ang kuwarto dahil ayaw ni Mommy Donna na may alikabok. Nahahatsing siya at sinisipon kapag may nasinghot na alikabok. Allergy daw iyon.
Kinuha niya ang sobre at tiningnan ang loob. Pawang calling cards pala ang laman at mga kapiranggot na papel. Napakaraming calling cards.
Nag-atubili si Ruth kung pakikialaming basahin ang mga nakasulat sa calling cards. Personal na gamit iyon ni Mommy Donna at dapat huwag niyang basahin at pakialaman. Baka dahil sa pakikialam niya ay magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Mommy Donna. Ayaw niyang magagalit sa kanya si Mommy Donna. Magalit na ang lahat sa kanya pero huwag ang ina-inahan.
Pero nanaig ang kagustuhan niyang mabasa ang mga nakasulat sa calling cards at sa mga piraso ng papel. Pero bago niya nagawang basahin, nakiramdam muna siya at baka biglang dumating si Mommy Donna nang hindi niya inaasahan.
Nang matiyak na walang problema, kinuha niya ang isang calling card at binasa:
M. A. Tan
Gen. Manager
Tel. 35879841
At sa dakong gitna ng card may nakasulat: 10:00 a.m. lobby of casino. Sulat kamay iyon. At kung hindi nagkakamali si Ruth, sulat iyon ni Mommy Donna.
Nagtataka si Ruth na ibinalik ang card sa sobre at kumuha ng isa pang card.
Binasa niya:
Carlos Lim Uy
Prop./Manager
CP No. 092738233241
Sa itaas, sa dakong kanan ng card ay may note na nakasulat kamay din: Wait until 12:00 midnight.
Sulat din iyon ni Mommy Donna.
Isinauli niya ang card at ang maliit na piraso naman ng papel ang kinuha. Bond paper iyon na halatang piniraso lamang. Nakasulat sa papel: B. A. Limkingco, 87984135 loc. 345 – Note: Sa lobby ng hotel – 10:00 p.m. sharp.
Ibinalik ni Ruth ang kapirasong papel sa loob ng sobre.
Nag-isip siya. Bakit kaya pawang Chinese name ang may-ari ng calling card. Sa hula niya ay mga Chinese businessman. At bakit mayroon pang mga note ni Mommy Donna.
(Itutuloy)