NANG sumuweldo si Zac, pinadalhan niya ng pera ang kanyang tatay at inay sa probinsiya. Kahit hindi nagsasabi ang mga ito noong umalis siya, nagkusa na siya. Alam niyang tamang-tama lamang ang kinikita ng kanyang tatay sa pagbubukid. Malaking tulong na rin sa mga magulang at sa kanyang kapatid ang pinadala niya. Kapag nakapag-adjust na siya sa buhay dito sa Maynila ay pipilitin niyang maging regular ang pagpapadala niya ng pera.
Ang isang ipinagpapasalamat niya ay libre pa ang tirahan niya dahil nga sa bahay ni Mama Dulceamor siya nakatira. Kapag nakapagpasya na siyang humiwalay ng tirahan ay baka mahirapan siya. Pero sa simula lang naman iyon mahirap, naisip niya. Kapag nagtagal, masasanay na rin siya. Pero paano kaya niya sasabihin kay Mam Dulce ang pag-alis kung sakali? Bahala na. Saka na lang siya mag-isip ng paraan. Pero sa tingin niya, baka hindi siya paalisin dahil siya na rin ang nagsisilbing tao sa bahay kapag umaalis si Mam Dulce. Hindi naman magawang tumao ni Manang Cion sa bahay dahil mayroon itong sariling bahay. Talagang paglilinis, pagluluto at paglalaba lang ang trabaho ni Manang.
Minsan, naglilinis ng bahay si Manang Cion at tumutulong si Zac sa pag-usod-usod ng mga gamit ay nag-uusap sila. Hanggang sa mapunta ang usapan nila kay Mam Dulce. Si Manang Cion ang nagbukas ng usapan ukol kay Mam Dulce.
“Isang linggo na namang mawawala si Dulce. Patungo raw siya sa Bangkok. Wala nang pahinga si Dulce.’’
‘‘Kagagaling lang po niya sa Baguio di ba?’’
‘‘Oo. Sabagay talaga yatang gusto niya ay malibang para malimutan ang mga nangyari. Matagal pa siguro bago siya ganap na makalimot sa sakit na naranasan.’’
Nakamaang si Zac. Ano kaya ang masakit na nangyari kay Mam Dulce?
“Mahirap malimutan ang mga nangyari kaya siguro gusto laging nasa conference at mga kung anu-anong gawain ukol sa kanilang kompanya. Ang inaala ko ay baka magkasakit sa sobrang sipag. Kung minsan nalilimutang kumain.’’
Hindi na nakatiis si Zac. Nagtanong na siya. ‘‘Ano pong nangyaring masakit kay Mam Dulce, Manang ?’’
“Hindi mo ba alam na kamamatay lang ng asawa niya? Kabibiyuda lang ni Dulce.’’
Nakamaang uli si Zac.
‘‘Hindi ba nasabi sa’yo ni Dulce. Sabagay, masasabi pa ba yun sa’yo e sobrang busy nga. Mga anim na buwan na mula nang mamatay ang mister ni Dulce.’’
(Itutuloy)