LUMAPIT si Zacharias sa babae. Sa tantiya niya ay mahigit nang 50-anyos ang babae at may itsurang kagalang-galang. Naka-pantalong maong at shirt.
“Good morning, patulong naman ako. Na-flat ang gulong,” sabi ng babae sa malambing na boses.
Ah, na-flat pala, naibulong ni Zacharias.
“Opo Mam. Ano po ba ang na-flat, unahan o hulihan?’’
“Unahan! Biglang dapa.Tingnan mo.’’
Tiningnan ni Zacharias. Dapa nga! Baka natusok kaya biglang dapa.
“Mayroon ka po bang reserbang gulong Mam?’’
“Meron! Meron din akong jack at mga gamit. Matutulungan mo ba ako?’’
“Opo. Nasaan po ba ang reserba?’’
“Andun sa hulihan – sa ilalim. Ikaw na rin ang kumuha?’’
“Opo.’’
Inilabas ng babae ang mga gamit at binigay kay Zacharias.
Sinimulang kalasin ni Zacharias ang reserbang gulong. Nang makalas, ikinalang iyon sa ilalim ng sasakyan para magsilbing panangga. Pagkatapos ay pinaluwag ang mga turnilyo ng gulong. At pagkaraan ay inilagay ang jack sa matigas at pantay na bahagi ng chassis. Unti-unting binomba ang jack. Umangat ang sasakyan.
Nakatanghod ang babae kay Zacharias habang nagbobomba.
“Sandali lang po ito Mam,” sabi niya sa babae.
Hanggang sa maalis niya ang mga turnilyo at inalis ang flat na goma.
“Bakit kaya na-flat?’’ tanong ng babae.
“Baka po may nakatusok na pako o screw.’’
Kinuha ni Zacharias ang reserba at inilagay. Nilagyan ng turnilyo. Pagkatapos ay ibinaba na ang jack. Bumaba ang sasakyan. Hinigpitan ang mga turnilyo. Siniguradong mahigpit ang pagkakalagay.
“Tapos na po Mam.”
“Salamat! Maraming salamat! Sandali ha?’’
Binuksan ng babae ang pintuan ng sasakyan at may kinuha sa bag. Pera. Iniabot kay Zacharias.
“Huwag na po, Mam.’’
“Sige na tanggapin mo na.’’
“Huwag na po. Para yun lang po.’’
“Talagang ayaw mo?’’
“Opo. Okey lang po yun.’’
“Sige ito na lang calling card ko ang tanggapin mo. Kapag may kailangan ka, e puntahan mo ako o kaya’y tawagan.’’
“Sige po. Salamat po, Mam.’’
Kinuha ni Zacharias ang card.
“Ano ang name mo?’’ tanong ng babae.
“Zachariaz po. Zak po.’’
“Sige Zak. Salamat uli. Maraming salamat.’’
Umalis na ang babae.
Tinanaw ni Zak ang paalis na SUV.
(Itutuloy)