Ang Magkapatid (115)

PAWANG “opo” ang sagot ni Ada sa mga sinasabi nang naghihingalong matanda. Sa sitwasyong ganun, iyon ang pinakatamang gawin. Kahit ba wala naman siyang kaalam-alam sa sinasabing anak ng matanda at pinahaha­nap sa kanya, pumayag na lang siya. Kailangang igalang ang kahilingan ng isang namamaalam na.

“M-matagal nang na­wawala ang anak ko. Ma­laki ang galit niya sa akin. Pinakialaman ko ang buhay niya. Ako ang sumira sa buhay niya. Dahil sa akin kaya nagkasira-sira at nagkahirap-hirap kami. Pero nagsisi na ako. Hu­mingi na ako ng tawad sa Diyos. Sana mapatawad din ako ng anak ko at iba pa dahil sa kasamaan ng ugali ko… Ada, ipangako mo, hahanapin mo ang anak ko. Ipangako mo….’’ At kasunod niyon ay ang malalim na paghugot ng hininga na naging dahilan para umuga ang kama. Hu­ling hininga na ng matanda.

Nataranta si Manang Ca­ridad at tinawag ang doctor na nasa di-kalayuan.

Nagmamadaling nagtu­ngo ang doctor sa matanda para i-revive. Sa TV monitor sa ulunan ng matanda ay nakikitang wala nang tibok ang matanda. Hanggang sa bumagal nang bumagal. Hawak nang doctor ang pulso ng matanda. Wala nang tibok.

Patay na ang matanda!

Tumalikod si Ada. Napahawak sa braso ni Manang Caridad at saka napaiyak. Pakiramdam niya nawalan talaga siya ng lola.

“Wala na si Lola Soc, Manang Caridad.’’

“Hinintay ka lang talaga niya Ada.’’

“Wala akong magawa kundi sumang-ayon sa bilin niya. Hindi ko naman alam kung sino ang anak niya.’’

“Sasabihin ko sa’yo Ada. Pero saka na lang muna iyon dahil gusto ko, maisaayos muna ang kanyang bangkay.’’

“Saan siya balak iburol, Manang?’’

“Nakahanda na noon pa. Matagal na siyang nakapili nang pagbuburulan at paglilibingan.’’

Nang tanungin ni Ada kung saan ibuburol, nagulat siya sapagkat sa punerarya rin na kinabuburulan ng kanyang papa.

(Itutuloy)

Show comments