Ang Magkapatid (23)

“KAPAG may napansin ka uli na pabalik-balik na lalaki, isumbong mo kay Tita Karla. Malapit lang naman ang stall niya,” sabi ni Ipe kay Ada. Na­ngamba siya sa lala­king tila nagmamatyag sa kanilang dalawa. Hindi nila alam kung ano ang motibo ng lalaki kung bakit pabalik-balik ito.

“Oo Kuya. Kapag nakita ko uli ang lalaki, magsusumbong na agad ako.’’

“Nang makita ko ang lalaki ay hindi ako naghinala dahil lagi namang ma­raming nagdadaan sa tapat ng stall. At saka dalawang beses lang dumaan kaya wala akong kutob,’’ sabi ni Ipe.

“Maraming beses siyang dumaan nang ako ang nakabantay sa tindahan. Hindi kaya kidnaper ng bata ang lalaki, Kuya?’’

“Posible. Di ba maraming insidente ngayon na dinudukot na bata.’’

“Kakatakot, Kuya.’’

“Kaya nga kapag nakita mo uli, isumbong mo agad kay Tita Karla. Si Tita ang kukumpronta sa lalaki.

“Oo Kuya. Gagawin ko ang sinabi mo.’’

“Maging mapagmasid ka sa paligid para malaman mo ang mga nakaambang panganib. Sumi­gaw ka at tumakbo kapag may ginawa sa iyo ang lalaki.’’

Tumango si Ada. Naniniwala siya sa kanyang kuya.

 

KINABUKASAN, naging mapagmasid na si Ada habang nagtitinda. Baka dumaan muli ang lalaki. Pero hindi na niya ito nakita. Hanggang sa gu­mabi. Nang magdaan si Karla, saka niya sinabi ang tungkol sa la­laki.

“Sana sinabi mo sa akin kahapon para nakumpronta ko. Kapag nakita mo uli, sabihin mo agad sa akin.’’

“Opo Ninang.’’

(Itutuloy)

Show comments