“MATA-TRAP tayo Amy! Nasusunog na ang buong bahay! Halika na!” sabi ni Sir Hector at hinatak palabas ng bahay si Amy. Puno na ng usok ang kinaroroonan nila.
Nagpipiglas si Amy. Ayaw nitong sumama.
“Hindi ako lalabas hangga’t hindi kasama si Rocco! Hihintayin ko si Rocco! Mahal ko si Rocco! Hindi ko siya iiwan!’’
“Halika na!” sabi ni Sir Hector at buong lakas na kinaladkad si Amy palabas. Kailangang gawin niya iyon sapagkat naghehestirikal na si Amy. Nagkakaibigan pala sila ni Rocco kaya gayun na lamang ang pag-aalala nito at ayaw iwan kahit pa nasa panganib ang buhay.
Kahit nagpupumiglas, nagawang mailabas ni Sir Hector si Amy. Halos magkabangga-bangga sila habang lumalabas sa nasusunog na bahay. Hindi nila makita ang daan sapagkat puno ng usok ang loob ng bahay. Mabilis kumalat ang apoy.
Eksaktong nakalabas sila sa gate ay saka lamang nagdatingan ang mga bumbero. Sunud-sunod ang pagdating. Pawang mga serena ang naririnig. Biglang napuno ng fire trucks ang harapan ng bahay.
Pero huli na ang lahat sapagkat tupok na ang kabuuan ng bahay. Napakabilis nang pangyayari. Malakas ang hangin ng mga oras na iyon kaya marahil mabilis ang pagkalat. Nilamon nang buung-buo ang bahay. Walang itinira kay Sir Hector. Lahat nang mga lihim at kasalanang nangyari sa loob ay naabo.
“Rocco! Rocco!’’ Umiiyak na sabi ni Amy.
Pinayapa siya ni Sir Hector. Binigyang pag-asa.
‘‘Huwag kang umiyak, Amy. Malay mo nakaligtas si Rocco.’’
‘‘Sana nga Sir Hector. Napakabuti niya sa akin. Ipinaghiganti niya ako.’’
‘‘Ipinaghiganti? Kanino naghiganti si Rocco?’’
‘‘Kay Jeffrey po.’’
‘‘Bakit ginantihan?’’
“Ni-rape po ako ni Jeffrey sa banyo. Isinumbong ko po kay Rocco. Sabi ni Rocco sa akin, igaganti raw niya ako. Nagtungo po siya sa kuwarto ni Jeffrey. Makalipas po ang limang minuto, nagbalik siya sa kuwarto. Naiganti na raw niya. Nang tanungin ko kung ano ang ginawa niya, ayaw niyang magsalita. Basta raw naiganti na niya ako. Hanggang sa marinig po namin ang sigaw ni Mam Pilar na humihingi ng tulong. Nagtatakbo si Rocco para tulungan ang kanyang ina. Pero malaki na ang apoy. Ganunman, tinuloy pa rin ni Rocco ang pagliligtas…’’
“Sa palagay mo, si Rocco ang sumunog sa kuwarto ni Jeffrey?’’ tanong ni Sir Hector.
‘‘Palagay ko po ay siya. Nagdala po kasi siya ng lighter. At nang bumalik siya after five minutes siguro, naamoy ko na amoy gas siya. Parang natilamsikan ng gas ang damit niya.’’
(Itutuloy)