NATUWA si Jam. Mukhang nakikisama sa kanya ang pagkakataon. Pagkaraan ng may isang oras na paghihintay ay nakita rin niya ang paglabas ni Iya. Nagulat pa nga siya dahil parang dalaga na si Iya. Malaking bulas at maganda.
Nilapitan niya si Iya. Kilala naman siya nito kaya walang magiging problema. Ilang beses na silang nagkita ni Iya.
“Hi, Iya? Remember me?”
Tumingin muna sa kanya si Iya. Parang inaalala.
“Opo. Ikaw po si Tita Jam.’’
“Akala ko hindi mo na ako matatandaan.’’
“Bakit po naman hindi ko kayo matatandaan?”
“E kasi’y matagal na rin tayong hindi nagkikita.’’
Napatango si Iya.
“Siyanga pala, pupunta ako sa inyo. Puwedeng sabay na tayo. Dadalawin ko si Tita Marie mo. Ang tagal na naming hindi nagkikita.”
“Opo. Sige po.’’
“Okey lang sa’yo.’’
“Opo. Talaga pong pauwi na ako kasi, nasira raw ang school bus.’’
“Ganun ba? So, tama pala ang pagpunta ko rito. Lets go na!”
“Teka po?’’
“Bakit?’’
“Pupuntahan ko lang po si Pau. Nasa library po siya. Baka gusto na rin niyang umuwi.’’
“Huwag na. Tayong dalawa na lang. Nagmamadali rin kasi ako. Dadaan lang ako sa bahay n’yo para makita si Tita Marie mo.’’
“Ano pong sasakyan natin, dyip?”
“Taxi.’’
“Dyip na lang po Tita.’’
“Mas mabilis kung taxi.’’
“Sige po.’’
“Teka at tatawag ako ng taxi.’’
Isang taxi ang nakita ni Jam. Kinawayan niya. Lumapit ang taxi.
Sumakay sila.
Tinanong ng drayber kung saan sila pupunta.
“Dalhin mo muna kami sa isang malapit na fast food. Gutom na gutom na ako,” at pagkatapos ay lumingon kay Iya. “Okey lang Iya, kumain muna tayo?’’
Bantulot si Iya sa pagsagot.
“E, sa bahay na lang po tayo kumain.’’
“Hindi ko na matiis. Ang hapdi na ng tiyan ko. Okey lang?”
Tumango.
“Sige Manong dalhin mo kami sa isang malapit na fast food.’’
(Itutuloy)