HINDI siya papayag na si Marie ang manalo, sabi ni Jam sa sarili. Lagi na lamang ba siya talo? Hindi siya papayag! Gagawin niya ang lahat para masira ang pagsasama nina Marie at Jose.
Paghihiwalayin niya ang mga ito, ha-ha-ha! Kahit kasal na sila, gagawa siya ng paraan para maagaw si Jose. Muli, tahimik na humalakhak si Jam. Hintayin n’yo ang pagganti ko! Ha-ha-ha!
KAHIT paano natahimik ang kalooban ni Marie mula nang magpakasal sila ni Jose. Hindi na siya natatakot ngayon sa maaaring gawin ni Jam. At isa pa, hindi na siya natatakot na maaagaw pa sa kanya si Jose, Malaki ang tiwala niya kay Jose. Maraming beses nang pinakita ni Jose na hindi siya kayang tuksuhin ni Jam. Iisa lang ang babae para kay Jose – at siya iyon.
“Naiisip ko minsan kung bakit ako tinraydor ni Jam,’’ nasabi ni Marie habang magkayakap silang nakahiga ni Jose. “Mabuti naman akong kaibigan sa kanya. Noong may problema siya ako ang dumamay sa kanya. Bakit kaya ganito ang ginawa niya sa akin na pati ikaw gustong agawin?’’
“Palagay ko gusto niyang mangwasak ng ibang relasyon para mayroon siyang kasama. Hindi siguro niya matanggap ang nangyari sa kanyang pamilya na nawasak dahil sa ginawa niya.’’
“Bakit ako ang sisirain niya? Itinuring ko pa naman siyang matalik na kaibigan. Pawang kabutihan ang ginawa ko sa kanya.’’
“May mga tao talagang ganyan na hindi na kinikilala ang nagawang kabutihan ng kanyang kapwa. At pakiramdam ko rin, baka may sakit na sa pag-iisip si Jam. Ibang klase na ang naiisip niya para masunod ang gusto. Kung matino ang isip niya, maiisipan ba niyang maghubad at saka magsisisigaw. Gaya nang ginawa niya nang i-setup ako. Sisigaw daw siya na nirereyp ko habang nasa kotse. At tiyak daw na sasabit ako kapag ginawa iyon. Paniniwalaan daw siya ng guwardiya.’’
“Baka nga may topak na siya.’’
“’Yan ang dama ko sa kanya.’’
“Sa palagay mo, hindi na kaya tayo guguluhin ni Jam ngayong kasal na tayo? Hindi ka na kaya niya susundan nang susundan?’’
‘‘Sana, matauhan siya. Kaya nga sabi ko sa iniwang sulat, huwag na niya tayong guluhin.’’
“Sana nga hindi na niya tayo gambalain pa.’’
“Pero huwag pa rin tayong kakampante, Marie. Di ba sinabihan ka ng dating asawa ni Jam na mag-ingat? Baka ito na ‘yun. Dapat mag-ingat tayo at baka kung ano naman ang gawin ni Jam.’’
(Itutuloy)