Black Widow (109)
NAGPATULOY si Jose sa pagkuku-wento kay Marie kung bakit ito na-late sa kanilang usapang pagkikita. Si Jam ang dahilan.
“Bumaba raw muna ako at maaga pa naman. Sabi ko sa kanya mayroon akong mahalagang pupuntahan kaya hindi na ako magtatagal. Pero masyadong mapilit si Jam. Halos hilahin ako sa pagbaba.
“Siyempre ayaw ko namang maging bastos, bumaba ako at sumunod sa kanya sa loob. Pero nag-iisip na ako ng paraan kung paano ko siya mapapapayag na umalis na ako…’’
Tumigil si Jose at tumingin kay Marie.
“Naupo ako sa sopa samantalang pumasok siya sa kuwarto. Mga ilang minuto, lumabas siya. Hindi ko halos matingnan si Jam dahil sa sobrang nipis ng suot na pantulog.’’
Nakamulagat si Marie sa sinabi ni Jose. Bakit naman naka-damit pantulog na e masyado pang maaga. Ganunman, nakinig pa rin siya sa kuwento ni Jose.
“Lumapit sa akin si Jam. Iniiwas ko ang tingin ko sa kabuuan niya dahil talagang kita na ang kabuuan. Hanggang sa makakita ako ng pagkakataon na makapagpaalam. Biglang nag-ring ang phone ko. Pero miss call lang pala yun. Pero ang ginawa ko, kunwari ay may tumawag talaga. Pinalabas ko na ang tumatawag sa akin ay isang kamag-anak na nasa ospital at kailangang makarating ako agad dun. Emergency. Sadya kong inilakas ang boses para hindi mahalata na wala naman talaga akong kausap.
“Pumayag siya na makaalis ako. Nagmamadali ako sapagkat naghihintay ka nga sa akin. Iyon ang dahilan kaya ako na-late sa ating usapan.’’
Kumbinsido si Marie sa sinabi ni Jose.
Ang ipinagtata-ka niya ay ang mga ikinilos ni Jam. Gusto ni Jam na may mangyari sa kanila ni Jose? Unti-unti ang ginagawa nitong panunukso.
(Itutuloy)
- Latest