“NANINIWALA ka sa hula?’’ Tanong ni Jose kay Marie.
“Oo.’’
“Ako hindi. Produkto lang ng imahinasyon ng fortune teller yun.’’
“Wala namang masama kung sundin ang payo.’’
Napailing-iling si Jose.
“At saka di ba ang sabi mo, ayaw ni Iya na mag-asawa ka. Di ba naipangako mo.’’
“Maaari namang baliin ang pangako.’’
‘‘Ako man ay ayaw na ring pag-asawahin ni Pau. Nagtatampo nga sa akin kapag nagbibiro ako na mag-aasawa muli.’’
“Pero mahal mo rin ako, Marie?’’
‘‘Hoy ano ka ba? Huwag ka namang ganyan.’’
“Kasi nga gusto kong malaman kung may damdamin ka rin sa akin.’’
“Ano ka ba naman, Jose. Nililito mo naman ako.’’
“Wala namang masama kung malaman ko ang damdamin mo. Malaman ko lang yun ay kuntento na ako.’’
‘‘Tumigil ka nga Jose. Hinuhuli mo ako.’’
Napahagikgik si Jose.
‘‘Ang hirap mong hulihin, Marie. Pero hindi ako susuko. Ipakikita ko sa’yo na malinis ang hangarin ko. Hindi rin ako natatakot sa sinasabi mong ang mga napapangasawa mo ay namamatay. Hindi ako naniniwala sa mga manghuhula. Nagkataon lang ang mga ‘yun.’’
“Bahala ka Jose.’’
GABI. Hindi makatulog si Marie. Si Jose ang naiisip niya. Talagang desidido ito sa iniluluhog sa kanya. Hindi raw susuko.
Pabiling-biling sa pagkakahiga si Marie. Tatagilid, titihaya at saka babangon. Saka ay muling tatanungin ang sarili: kung tanggapin niya si Jose, hindi kaya panibagong sakit na naman ang maramdaman niya sakali’t magpakasal sila. Hindi kaya pagkalipas ng 10 taon ay iiwan na naman siya ni Jose.
Nahihirapan siya sa sitwasyon.
Mahal din kasi niya si Jose. Nang mag-usap nga sila, gusto na niyang sabihin dito na mahal din niya ito. Pero pinigil niya. Hindi niya alam ang gagawin.
Hanggang maisip niya na kunsultahin ang kaibigang si Jam. Baka naman may maipayo ito kahit una nang sinabi nito na huwag na siyang mag-aasawa dahil mamamatay lamang.
(Itutuloy)