PROBLEMADO si Marie kung paano sasabihin kay Jam na ayaw pumayag si Pete na makita niya ang mga bata. Tiyak na itatanong nito kung bakit. Itatanong nito kung ano ang dahilan at ayaw ipakita ang mga anak. Sabihin ba niya ang mga ikinuwento ni Pete?
Mukhang wala siyang ibang magagawa kundi ang sabihin ang mga ikinuwento ni Pete.
Pero malaki pa rin ang paniniwala niya na hindi si Jam ang may kasalanan kaya nasira ang pamilya ng kaibigan. Kilala niya si Jam. Hindi nito kayang magtaksil. Siyempre, idedepensa ni Pete ang sarili para ang pagbuntunan ay si Jam.
Binalikan ni Marie ang mga nakaraan noong magkaopisina pa sila ni Jam. Pilit niyang inaalala kung mayroon nga itong karelasyon base sa mga kilos at pananalita. Wala naman siyang maalala. Sila lagi ang magkasama habang kumakain sa canteen. Magkasama sila sa paglabas ng opisina tuwing hapon. Wala naman siyang nahahalata. Wala siyang napapansin na may sumusundong lalaki o kaya may kausap sa cell phone. Mahirap paniwalaan ang mga sinabi ni Pete na si Jam ang sumira sa kanilang pamilya. Matino si Jam.
Kaya lamang ito nahumaling sa dancer sa gay bar ay dahil nga gustong makaganti kay Pete na nambababae raw ayon kay Jam. Nakipagrelasyon siya sa dancer at nabuntis. Naghiwalay na sila ni Pete na noon daw ay may ibinabahay nang babae, ayon kay Jam. Hanggang sa ayaw nang ipakita sa kanya ang mga bata. Iyon ang problema ni Jam.
Ngayon ay pinag-aaralan ni Marie kung dapat na niyang sabihin kay Jam ang pasya ni Pete na ayaw ipakita sa kanya ang mga bata.
Nagpasya siyang sabihin iyon kay Jam.
Nagtungo siya sa bahay nito at sinabi ang pasya ni Pete.
“Ayaw ni Pete na makita mo ang mga bata,” sabi niya.
Napatungo si Jam. Tumulo ang luha. Umagos sa pisngi.
(Itutuloy)