ISANG beses nang na-meet ni Marie ang dating asawa ni Jam na si Pete. Christmas party sa office nila. Isinama ito ni Jam. Bagama’t hindi sila gaanong nagkakuwentuhan noon, para na ring matagal na silang magkakilala dahil nga magkaibigan silang matalik ni Jam.
Ngayong kaharap na niya si Pete, agad nga niyang sinabi ang pakay kung bakit nagtungo rito.
“Ako ang nakikiusap Pete, payagan mo na si Jam na makita ang dalawa ninyong anak. Kahit masilip lang daw ni Jam ang mga ito ay okey na sa kanya.’’
Hindi makapagsalita si Pete. Nakatingin lang kay Marie.
“Please, Pete. Naaawa kasi ako kay Jam. Parang dala ko na rin ang problema niya kapag umiiyak sa akin.’’
“Napakabait mong kaibigan, Marie,” marahang sabi ni Pete. “Ngayon lang ako nakakita ng kaibigang sobra kung magmahal.’’
“Matagal na kaming magkaibigan Pete. Parang kapatid ko na nga siya.’’
“Ano ba ang kuwento niya sa’yo at nagkaganito kami. Ano ba ang pagkaalam mo at humantong ito sa ganito?’’
Napamaang si Marie. Pero makaraan ang ilang saglit, sinagot si Pete.
“Sabi niya, nagkaroon ka ng babae. Nahuli raw niya ang mga messages ng babae sa cell phone.’’
“Totoo yun, Marie. Pero sinabi ba niya kung bakit ko nagawa iyon?’’
“Hindi. Basta ang sabi niya, nabisto ang pakikipagrelasyon mo sa ibang babae. Nang kumprontahin ka, inamin mo raw agad.’’
Napatangu-tango si Pete at saka napahinga nang malalim.
Nang magsalita ito ay lalong seryoso.
“Marami ka pang hindi alam sa kaibigan mo, Marie. Napakarami mo pang hindi nalalaman.’’
Nakamaang si Marie.
“Anong ibig mong sabihin, Pete?’’
“Mas nauna siyang nagtaksil, Marie…”
(Itutuloy)