Black Widow (15)

“KUNG hindi ka na mag-aasawa, wala nang ma­ma­matay, di ba?” Tanong ni Jam. “Naputol na ang malas na nakakabit sa tuwing mag-aasawa ka.’’

Napatango si Marie. Tama si Jam. Kung hindi na siya papasok sa isa pang relasyon, wala nang lalaking mamamatay pag­karaan ng 10 taon.

“Iyon ay kung kaya mong gawin, my friend.’’

“Kaya ko naman, Jam. Tama ka, bakit pa ako mag-aasawa ay mayroon na naman akong anak. At isa pa, may edad na rin. Ibubuhos ko na lang ang oras kay Pau.’’

“Kaya mo talaga? Baka kasi may manligaw sa’yong guwapo ay lag­lag agad ang panty mo.’’

“Ang bastos nito.’’

Nagtawa si Jam.

“Tinatanong kita kung kaya mo.’’

“Oo. Hindi naman ako katulad ng iba na atat agad mag-asawa kahit kamamatay lang ang dyowa. Kaya lang naman ako nag-asawa sa una at ikalawang pagkabiyuda ay dahil bata-bata pa ako nun. At saka hindi ako nagkaanak sa una at ikalawa kaya nang ligawan ako ni Mark, ay napa-“oo” agad ako. At si Mark ang nakapagbigay sa akin ng isang anak. Pero ngayong nakatatlo na nga ako, maaari na akong magtiis na walang kasama sa buhay.’’

“So, talagang sarado na?’’

“Sarado na Jam. Ang anak ko na lang ang aasikasuhin ko.’’

“E di wala na ngang ma­mamatay na lalaki. The end na!’’

“Oo. Tapos na!”

 

ANG anak na nga na si Pau ang pinagbuhusan ng pansin ni Marie. Kaysa mag-asawa, si Pau na lang ang pag-uukulan niya ng panahon. At saka isa pa, parang ayaw na siyang pag-asawahin ni Pau.

Minsan kasi, nagbiro siya kay Pau na mag-aasawa siya. Galit si Pau. Nagtampo. Hindi nagkikibo. Nawala lang ang tampo nang sabihin niyang nagbibiro lamang siya.

Tuwang-tuwa si Pau.

Lagi na niyang inihahatid si Pau sa school nito mula noon.

Pero minsang ihatid niya si Pau sa school nito ay may nakita siyang lalaki na naghahatid din ng anak sa school. Nagkatinginan sila.

(Itutuloy)

Show comments