MAKALIPAS ang ilang araw, siya na naman ang topic ng mga kasamahang lalaki. Nasa comfort room siya at dinig na dinig niya sa kalapit na CR ng mga lalaki ang pinag-uusapan. Paborito siyang topic mula nang mamatay ang ikatlo niyang asawa. Parang ginagawa nang almusal, tanghalian at hapunan ang kanyang pagiging mabiyudahin. Kung ang mga babae ay tsismosa at gustong pag-usapan ang buhay ng iba, ganundin ang mga lalaki sa pagiging tsismoso.
Ayaw sana niyang pakinggan ang pinag-uusapan ng mga lalaki pero natukso na rin siyang pakinggan. Mabuti nang malaman ang kanilang pinagtitsismisan.
“Nakita ko kahapon si Black Widow habang umaakyat sa second floor, ang ganda pala ng legs at hita niya, mamula-mula.’’
“Ang talas ng mga mata mo ‘Dre pati yun nakita mo. E ang panty niya nakita mo ba?’’
Nagtawananan.
“Hindi. Bigla kasing nagmadali nang makitang may nasa hulihan siya.’’
“Pero in fairness, maganda si Black Widow ano. Mga ilang taon na kaya siya, Dre?’’
Ang isa ang sumagot. Tatlo silang nagtsitsismisan.
“Narinig ko forty five na.’’
“Hindi halatang forty five ano? Parang thirty five lang.’’
Napangiti si Marie habang nakikinig. Puro naman pala puri ang pinag-uusapan. Okey na pakinggan.
“Pero bakit kaya mabiyudahin, Dre? Nakakatatlong lalaki na raw ano?’’
“Oo. Tumatagal daw ng 10 taon ang pagsasama at pagkatapos ay namamatay na ang lalaki.’’
“Bakit kaya? Ano raw ang dahilan at namamatay ang lalaki?’’
“Sa sakit daw namamatay.”
“’Yung tatlo parehong sa sakit namatay?’’
“’Yun ang sabi.’’
‘‘Pormahan ko kaya si Black Widow, ‘Dre?’’
“Langya ka, may asawa ka na e kakanain mo pa si Black Widow.’’
‘‘Tetestingin ko lang ‘Dre. Pagkumagat e di wow! Kung hindi e di wow din!’’
“Loko ka talaga. Pero palagay ko hindi papatol sa may asawa si Black Widow. Desente yan.’’
“Susubukan ko nga kung gaano ka-desente si Black Widow. Kasi merong desenteng tingnan pero wild pala, he-he-he!”
“Loko ka talaga. Sige kung ‘yan ang gusto mo. Pero mag-ingat ka at baka ikaw ang pang-apat na matigbak.”
Natigilan ang kausap. Nag-isip.
“Oo nga ano? Baka sa pagtesting ko e sa akin, tumalab ang sumpa. Baka biglang paglamayan ako!’’
Nagtawa ang mga kausap na lalaki.
“Ayaw ko! Baka nga may sumpang dala si Black Widow.’’
“Biglang nanguluntoy si Pipoy mo ano?’’
“Pagpapantasyahan ko na lang si Black Widow. Lagi kong aabangan na aakyat sa first floor para makita ang langit, he-he-he!”
Sumabog ang tawanan.
Hindi na tinapos ni Marie ang pakikinig sa mga tsismosong lalaki. Nagmamadali siyang lumabas mula sa CR.
PARATI niyang iniisip ang pagiging mabiyudahin. Nakadagdag sa isipin na takot na ang mga lalaki sa kanya. Maski sa oras ng paliligo ay naiisip niya iyon.
Hanggang mapansin niya ang nunal sa katawan. Maitim na maitim iyon. Iyon kaya ang dahilan ng kanyang pagiging mabiyudahin?
(Itutuloy)